Mga chismis na may iba ang mister sa probinsiya, ‘di dapat patulan dahil sure na babalikan
- BULGAR

- Aug 28, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 28, 2020
Dear Maestro,
Problema ko ngayon ang mister ko kung saan kagagaling niya lang sa abroad at umuwi siya sa kanilang probinsiya sa halip na sa amin siya umuwi. Tapos ang balita ko ay may iba na siya roon at ibinahay pa ang babae niya. Nang nagkausap naman kami sa phone, sabi niya ay wala siyang babae at dinalaw lang daw niya ang nanay niya na may sakit. Gayundin, pagkatapos ng general community quarantine (GCQ), kapag maluwag na ay uuwi rin siya rito sa amin.
Nagpapadala naman siya ng pera, kaya lang, natatakot ako sa balita na baka totoong may babae na siya sa probinsiya. Babalikan pa ba niya kami? January 6, 1979 ang birthday ko at January 3, 1979 naman ang mister ko.
Umaasa,
Ms. Capricorn ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Ms. Capricorn,
Hindi ka pa dapat mag-alala dahil ang dapat mong paniwalaan ay ang sinasabi ng mister mo kaysa sa tsismis o hinala na walang basehan. Ganyan ang dapat mong gamiting attitude o maging positibo ka, dahil ayon sa zodiac sign mong Capricorn at nagkataong Capricorn din ang iyong mister, compatible kayong dalawa dahil kapwa kayo pinaghaharian ng elementong earth o lupa. Ibig sabihin, maghintay ka lang dahil kapag naging normal na ulit ang lahat o nagkaroon ng pagkakataon ang mister mo na nasa malayong lugar ngayon, makikita mo na siyang darating sa inyong lugar d’yan sa Cavite.
Dagdag pa rito, sa pag-aanalisang Numerology ay halos tugma rin kayo. Ang birth date mong 6 ay suwetung-suweto rin sa birth date na 3 ng iyong mister dahil ang 6 at 3 ay kapwa nasa grupo ng mga numero na kung tawagin ay “divisible by 3”. Ibig sabihin, hindi lang kayo sa Astrology o zodiac sign tugma ng mister mo kundi pati sa Numerology.
Samakatuwid, dahil tugma ang inyong tadhana, ayon sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, sa bandang huli ay kapalaran ang gagawa ng paraan upang muli kayong magbalikan at mabuo ang inyong pamilya. Ito ay nakatakdang mangyari ngayong 2020, sa buwan ng Setyembre—isang hapon, habang unti-unti nang lumalatad ang dilim sa paligid, biglang kakatok sa inyong pintuan si mister upang muling mabuo at habambuhay na maging maligaya ang inyong pamilya.




Comments