top of page

Mga bata, ingatan laban sa 'online bugaw'

  • BULGAR
  • Apr 1, 2022
  • 1 min read

@Editorial | April 1, 2022


Babala sa mga magulang at guardian, dagdagan pa ang pag-iingat sa ating mga anak laban sa online sexual exploitation.


Kaugnay ito sa ulat na aabot sa 134 na mga batang biktima ang na-rescue ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) habang nasa 15 offenders naman ang naaresto mula Pebrero 2021 hanggang Marso 4 ng kasalukuyang taon.


Sa unang taon mula nang maitatag ang ahensiya, nasa 154 ang naisalba na mga biktima at 48 sexual offenders ang napanagot sa batas sa inilunsad na 52 operasyon mula noong Pebrero 27, 2019 hanggang Pebrero 26, 2020.


Nasa kabuuang 238 victims naman ang na-rescue habang nasa 50 offenders naman ang naaresto mula Pebrero 2020 hanggang Pebrero 2021.


Ang bilang ay tiyak na patuloy pang nadaragdagan dahil halos araw-araw ay may naiuulat na kaso ng 'online bugaw' na ang inilalako ay pawang mga menor-de-edad.

Grabe ang ginagawang panghihikayat sa mga bata na magbenta ng sarili kapalit ng pera o gadgets.


Kaya ang paalala sa mga magulang, laging kausapin ang anak, alamin ang kanyang mga pinagkakaabalahan at mga kinakausap lalo na sa social media. Ito ang ginagamit ng mga bugaw na paraan para makapambiktima. Kukunin ang loob ng bata, uutuin, pangangakuan, hanggang sa mahulog sa bitag at mapabilang na sa mga ibinubugaw online.


Umaasa naman tayo na mas palalakasin at palalawakin pa ng gobyerno ang paglaban sa ganitong pang-aabuso.


Batid natin na napakaraming kinakaharap na problema sa ngayon, pero huwag sana nating mapabayaan ang ating mga anak, ang kabataan.


Ingatan natin sila at ilayo sa anumang banta ng kasamaan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page