Mga bagets na naaadik sa online sugal, pigilan na bago pa masira ang buhay
@Editorial | June 06, 2021
Mas mataas na ang bilang ng mga kabataan na nahuhumaling sa online gambling.
Kaya inihihirit nang maimbestigahan ito bago pa lalong lumala.
Kabilang sa mga ito ay ang online cockfighting o e-sabong, online bingo, virtual casino at iba pang uri ng sugal sa internet.
Sa halip na nakatuon sa online class, sa ilegal na gawain na pala nasasangkot ang mga bagets.
Hindi na umano namo-monitor ang mga edad ng mga sumasali sa game, legal man ito o ilegal, dahil open sa lahat ang naturang mga sugal.
Napag-alamang ang internet ay nag-aalok ng access at pagtatago ng pagkakakilanlan ng mga sugarol.
Kaya dagdag-hamon ito sa mga magulang o nakatatandaang kasama ng kabataan na dapat mas mabantayang mabuti ang mga ito mula sa ganitong uri ng gawain. Ang problema, hindi naman lahat ng magulang ay masasabing maalam sa computer. Bagay na sana’y maalalayan naman ng mga kinauukulan.
Sa pagka-adik sa online gambling, kung saan digital currency ang gamit sa pagpusta, marami umano ang nalululong sa bisyo at nababaon sa utang.
Kaya dapat itong pagtuunan nang pansin, gawan ng malinaw na mga panuntunan o regulasyon kung paano makokontrol.
Pigilan nating malulong sa sugal ang mga kabataan, huwag sanang masira ang kanilang kinabukasan.
‘Ika nga, tulad din ito ng virus na maaaring sirain ang kanilang buhay at damay na rin ang marami pang tao.



Comments