Mga apektado ng ECQ sa NCR Plus, bigyan ng ayuda
- BULGAR
- Apr 5, 2021
- 1 min read
@Editorial | April 05, 2021
Kasunod ng anunsiyo kaugnay sa pagpapalawig ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal; tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ngayong linggo ay maaaring matanggap ng mga residente sa NCR Plus areas ang ayuda mula sa pamahalaan.
Bukas, Martes Apr. 6, aniya maibababa ng Bureau of Treasury ang pondo sa mga LGUs sa loob ng NCR Plus.
Makabubuti umano kung financial aid ang pamamaraang gamitin ng mga LGUs dahil mas matagal ang proseso na pagdadaanan kapag in kind ang ibibigay na ayuda.
Kaugnay nito, nauna nang sinabi ng Department of Budget and Management na halos 22.9 million low-income individuals ang makatatanggap ng P1,000 sa ilalim ng dole out program ng pamahalaan.
Subalit, discretion na ng mga LGUs kung ang ayudang ito ay ibibigay ng in kind o cash.
Marami sa ating mga kababayan na nawalan ng pagkakakitaan ang umaasa sa ayuda ng gobyerno. Bagama’t sinusubukan namang dumiskarte sa iba't ibang paraan, malaking bagay pa rin ang pag-alalay ng gobyerno.
Sa kabilang banda, bigyang-pansin pa rin sana ang pagbibigay ng trabaho o pagkakakitaan nang hindi isinasawalambahala ang kalusugan ng mamamayan. Marami ang mas gustong magtrabaho kaysa maghintay sa ayuda.
Naka-isang taon na ang pandemya, 'ika nga ay hindi na bago ang sitwasyon kaya't umaasa tayong may maiisip pa ang gobyerno na mas epektibong solusyon para matapos na ang kalbaryo ng taumbayan.



Comments