Mga adjustment sa botohan, tiyaking maayos na mailalarga
@Editorial | November 11, 2021
Inaprubahan na ng Comelec En Banc ang magiging “general instructions” para sa 2022 national at local elections.
Sa pagdinig ng House committee on suffrage ang electoral reforms, sinabi ni Comelec Dir. Teopisto Elnas, Jr. na kabilang sa mga naaprubahan ng kanilang En Banc na gawing mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi ang voting hours.
Pinag-aaralan naman ng poll body sa ngayon kung puwedeng magpatupad ng 2-room system sa mga polling precincts.
Ang isa sa dalawang silid ay magsisilbi umanong holding area, habang ang isa naman ay gagamitin para sa pagboboto mismo.
Magkakaroon din ng voters assistance desk at mga COVID-19 marshals.
Ang mga ito ay isasailalim sa training bago ipadala sa mga polling centers para matiyak ang maayos na crowd control.
Sadyang hindi maiiwasan ang mga pagbabago dahil sa pandemya.
Kailangang mag-adjust at umangkop sa sitwasyon alang-alang sa maayos na halalan.
Ang mahalaga ay maipatutupad ito nang maayos at hindi makapagdudulot ng kalituhan at gulo.
Dapat maging malinaw sa lahat ang mga bago g panuntunan. Kailangan ding handa ang mga kinauukulangan sa mga puwedeng mangyari.
Kasabay ng paghahanda sa mga kagamitan at taong mamamahala ay ang seguridad ng kabuuang proseso.
Huwag natin hayaang magamit ang pagkakataon ng mga masasamang plano para isabotahe ang halalan. Ito ay sagrado kaya dapat nating ingatan.



Comments