top of page

Mental health ng mga kabataan, ‘wag balewalain

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26
  • 1 min read

by Info @Editorial | October 26, 2025



Editorial


Sa panahon ngayon, hindi na maitatanggi ang lumalalang problema sa kalusugang pangkaisipan ng kabataan. 


Sa bawat paaralan, tahanan, at komunidad, may mga kabataang tahimik na nakikipaglaban sa depresyon, pagkabalisa, at iba pang suliraning emosyonal — ngunit madalas ay hindi sila nauunawaan o napapakinggan. Sa halip na pagkalinga, madalas ay panghuhusga ang kanilang natatanggap lalo na sa social media.


Dapat nang kilalanin ng lipunan na ang mental health ay kasinghalaga ng pisikal na kalusugan. Hindi ito kahinaan, kundi isang bahagi ng pagiging tao na nangangailangan ng malasakit at suporta. 


Nakababahala na marami pa rin ang kulang sa kaalaman tungkol sa mga senyales ng mental health issues. Dahil dito, maraming kabataan ang hindi nakakakuha ng agarang tulong.


Kailangang magkaisa ang pamahalaan, paaralan, at pamilya sa pagtugon sa krisis na ito. 


Dapat palawakin ang mga mental health program — mga counseling service, awareness campaign, at pagsasanay para sa mga guro upang matukoy ang mga batang nangangailangan ng tulong. 


Dapat ding tiyakin ng gobyerno na may sapat na mental health professionals sa mga pampublikong institusyon upang madaling ma-access ng kabataan ang serbisyong ito.

Higit sa lahat, isaisip sana natin na ang simpleng pakikinig, pang-unawa, at pakikipag-usap ay malaking hakbang na patungo sa kanilang paghilom.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page