Menor-de-edad na nasasangkot sa krimen, sagipin
- BULGAR

- Aug 25
- 1 min read
by Info @Editorial | August 25, 2025

Lalong lumalala ang problema sa mga menor-de-edad na nasasangkot sa droga at krimen.
Araw-araw, may balitang kabataang nahuhuli sa paggamit o pagtutulak ng droga. May sangkot pa sa pagnanakaw, rape, at kahit pagpatay. Dati, hindi mo iisiping magagawa ito ng mga bata — ngayon, tila karaniwan na.
Bakit nangyayari ito? Una, maraming kabataan ang lumalaki sa mahirap at magulong kapaligiran. Walang trabaho ang magulang, kulang sa gabay, at madalas ay napapabayaan.
Pangalawa, kulang ang edukasyon sa eskwela at sa bahay tungkol sa tamang asal at pag-iwas sa bisyo.
At pangatlo, may mga sindikatong gumagamit sa mga bata dahil alam nilang hindi sila agad mapaparusahan sa batas. Hindi puwedeng palagpasin ito. Kailangan ng aksyon — ngayon. Dapat higpitan ang pagpapatupad ng batas sa mga sindikatong gumagamit sa kabataan.
Kailangang palakasin ang mga programang pang-edukasyon, sports, at kabuhayan para malayo ang mga bata sa masamang impluwensya.
Higit sa lahat, dapat gampanan ng mga magulang at paaralan ang responsibilidad sa paggabay at pagdisiplina.
Ang kabataan ang kinabukasan ng bayan. Huwag natin silang hayaang malugmok sa droga at krimen.





Comments