top of page
Search
  • BULGAR

MECQ sa Metro Manila, fake news — NCRPO

ni Lolet Abania | December 20, 2020



Mariing inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong Linggo na peke ang kumakalat sa social media na diumano’y memo na isasailalim ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).


Ipinunto ni NCRPO acting director Police Brig. Gen. Vicente Danao na tanging ang Inter-Agency Task Force (IATF) ang makapagdedesisyon sa quarantine classification ng isang lugar. “Actually, it is an unsigned memo. So, definitely it is not an official document. It is only the IATF ang nag-a-announce niyan,” ani Danao.


“Kung meron po tayong sasabihin, it is just a recommendation from our part. Definitely po, 'yung lumalabas na memo is a fake news,” dagdag pa niya. Ang memo umano na nakuha ng NCRPO ay tinawag nilang “covert deployment” para sa pagpapatupad ng sinasabing MECQ sa naturang rehiyon.


Kasalukuyang nasa general community quarantine hanggang December 31 ang Metro Manila. Gayunman, ayon kay Danao, ang NCRPO ay nag-deploy ng mas maraming pulis sa mga nasabing lugar upang magpatupad ng health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Bukod dito, aniya, nagdagdag sila ng kapulisan sa iba’t ibang lugar bilang hakbang ng ahensiya sa maaaring mangyaring kriminalidad at terorismo. “Medyo naghigpit tayo ng kaunti sa ating GCQ o sa ating health protocol implementation,” sabi ni Danao.


“Hindi lang po health protocol ang atin pong ini-implement diyan kundi most of the anti-criminality and especially sa anti-terrorism,” aniya pa.


Matatandaang sinabi ni Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana na hindi totoo ang kumakalat na ulat na isasailalim sa MECQ ang Metro Manila, gayundin sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año at Joint Task Force COVID Shield commander Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag na nagsasabing walang katotohanan ang mga pahayag na ito.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page