May tatabla o may aangat sa Game 2 ng NBL-Pilipinas?
- BULGAR
- Sep 24, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 24, 2023

Laro ngayong Linggo – Colegio de Sebastian Gym
6:30 p.m. Kapampangan vs. Taguig
Umarangkada agad ang Taguig Generals patungo sa kumbinsidong 92-74 panalo sa bisita KBA Luid Kapampangan sa Game One ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup Finals Biyernes ng gabi sa Duenas Gym sa Signal Village.
Sisikapin ng mga Kapampangan na itabla ang serye sa Game Two ngayong Linggo sa Colegio de Sebastian Gym sa San Fernando City simula 6:30 ng gabi.
Maaga pa lang ay idinikta ng Taguig ang magiging takbo ng laro at nagbagsak ng 10 puntos si Best Player Mike Jefferson Sampurna sa first quarter pa lang. Bumida si Sampurna at gwardiya Harvey Subrabas para sa walong sunod-sunod na puntos upang maagaw ng Generals ang bentahe, 10-4, at hindi na nila binitwan ito.
Tinularan ng kanyang mga kakampi ang mainit na laro ni Sampurna at lalong pinalaki ang agwat sa 49-25 bago pumatak ang halftime. Sinubukan bawasan ng Luid ang agwat sa huling hirit na pinangunahan nina Lhancer Khan at Marc Jhasper Manalang subalit masyadong malalim ang aakyating butas.
Nagtapos si Sampurna na may 23 puntos. Sumuporta sina Jonathan Lontoc na may 15 at Lerry John Mayo na may 13 – may pinagsamang 15 sa fourth quarter ang dalawang forward upang lipulin ang humahabol na Kapampangan.
Matapos ang siyam na puntos lang sa unang tatlong quarter, gumana para sa 15 sa fourth quarter si Khan para sa 24 puntos. Nag-ambag ng 15 si Manalang.
Winalis ng Generals ang palaban na Cam Sur Express sa best-of-three semifinals, 2-0. Kinailangan ng Luid ang tatlong laro bago iligpit ang Tatak GEL Binan sa kabilang serye upang itakda ang best-of-five sa naghihintay na Taguig.
Comments