top of page

May ‘K’ lang dapat ang ilagay sa gobyerno

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 1, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | September 1, 2025



Editorial


Sawang-sawa na ang taumbayan sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na walang alam at nagpapakasasa lang sa pera at kapangyarihan. 


Kaya malinaw ang panawagan: Salain nang mas maigi ang mga iniluluklok sa puwesto.

Hindi dapat nauuna ang koneksyon kaysa sa kuwalipikasyon. Hindi dapat inuuna ang utang na loob kaysa sa tunay na kakayahan. 


Ang mga nasa gobyerno, lalo na sa matataas na posisyon, ay dapat may ‘K’, karanasan, kakayahan at katapatan.


Hindi puwedeng ilagay ang sinuman sa puwesto dahil lang kaibigan, kamag-anak, o kakampi sa pulitika.


Hindi rin sapat na walang kaso — dapat malinaw ang record, malinis ang pangalan, at may napatunayang serbisyo sa bayan. Kung may bahid na ng korupsiyon, bakit pa bibigyan ng kapangyarihan?


Sa serbisyo-publiko nakasalalay ang kapakanan ng mamamayan. Kaya’t dapat lang na ang ilagay sa bawat posisyon ay ang pinaka may “K” — hindi dahil kilala, kundi dahil karapat-dapat.


Kung gusto nating umasenso, magsimula tayo sa mas mahigpit na pagsala sa mga taong magiging kinatawan at lider sa gobyerno.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page