Matutong kumilatis ng pera
- BULGAR
- Oct 22, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Oct. 22, 2024

Kasabay ng Kapaskuhan, laganap na naman ang pekeng pera. Problema na dapat bigyang-pansin ng gobyerno at ng mamamayan.
Sa panahong sobrang abala ang lahat, marami ang nagiging pabaya sa pagtanggap ng salapi, na nagiging dahilan para mas madaling makapasok ang mga pekeng banknote sa sirkulasyon.
Isang pangunahing dahilan ng paglaganap ng pekeng pera ay ang pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya na ginagamit ng mga scammer. Sa tulong ng mga printer at software na kayang lumikha ng halos perpektong kopya ng pera.
Sa mga palengke at tindahan, madalas na ang mga nagtitinda ay hindi sapat ang kaalaman kung paano matukoy ang mga pekeng pera, na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng malaking pinsala sa kanilang negosyo.
Hindi lang ito nangyayari sa mga pamilihan kundi maging sa iba pang transaksyon. Kamakailan, dalawang lalaki ang inaresto matapos bumili ng motorsiklo gamit ang pekeng pera. Depensa ng mga suspek, ibinayad lang din daw sa kanila ang nasabing salapi.
Isang mahalagang hakbang para labanan ang isyung ito ay ang pagbibigay ng sapat na kaalaman at pagsasanay sa mga negosyante at mga mamimili.
Dapat maging pamilyar ang lahat sa mga seguridad na tampok ng tunay na pera, tulad ng watermark, security thread, at iba pang mga marka.
Ang mga bangko at lokal na pamahalaan ay dapat makipagtulungan upang maglunsad ng mga kampanya na naglalayong magturo sa publiko kung paano makilala ang mga pekeng banknote.
Hindi lamang ito usapin ng ekonomiya, may kinalaman din ito sa tiwala ng publiko sa ating sistema ng pananalapi.
Sa paglaganap ng pekeng pera, maaaring magdulot ito ng takot at pangamba sa mga mamimili, na nagiging hadlang sa pag-unlad ng mga lokal na negosyo.
Mahalaga na ang bawat isa ay maging mapanuri at responsable sa mga transaksyon, hindi lamang para sa sariling kapakanan kundi para sa kabutihan ng buong komunidad.
Ang pagkalat ng pekeng pera ay isang hamon na nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Sa pamamagitan ng edukasyon, pagbabantay, at pakikipagtulungan ng bawat isa, maaaring labanan at mapigilan ang pagkalat ng pekeng pera.
Comments