top of page

Matinding El Niño sa Mayo hanggang Hulyo, ibinabala ng WMO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Jenny Rose Albason @Overseas News | April 26, 2026



El Niño


May mataas na posibilidad na mabuo ang El Niño conditions sa pagitan ng Mayo at Hulyo ngayong taon, ayon sa pinakahuling ulat ng World Meteorological Organization (WMO).


Ang El Niño ay isang natural na climate phenomenon na nagdudulot ng pag-init ng temperatura ng sea surface sa central at eastern Pacific Ocean. Dahil dito, humihina ang trade winds at naaapektuhan ang normal na weather patterns sa iba’t ibang bahagi ng mundo—kabilang ang matagal na tagtuyot o kakulangan sa ulan.


Karaniwan itong tumatagal ng siyam hanggang labindalawang buwan.


Ayon sa WMO, bagama’t nakikita sa mga climate model ang posibilidad ng isang malakas na El Niño ngayong taon, aminado ang ahensya na hindi gaanong maaasahan ang mga forecast na ginagawa tuwing spring. Gayunman, mas tumataas ang kumpiyansa sa prediksiyon matapos ang Abril.


Dagdag pa, ang naturang weather pattern ay may kakayahang magdulot ng pagbabago sa klima sa iba’t ibang rehiyon—posibleng magdala ng mas maraming pag-ulan sa southern South America, southern United States, ilang bahagi ng Horn of Africa, at central Asia. Sa kabilang banda, maaari naman itong magresulta sa tagtuyot sa Australia, Indonesia, at ilang bahagi ng southern Asia.


Mayroon din itong epekto sa pag-init ng pandaigdigang klima.

Sa Pilipinas, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kasama ang National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA), na may posibilidad na mauwi ito sa isang “Super El Niño” o very strong event sa huling bahagi ng 2026.


Pinapayuhan ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig at mag-ingat sa matinding init habang patuloy na mino-monitor ng mga eksperto ang sitwasyon.


Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA ngayong Abril, nasa 15 lalawigan sa Luzon ang nakaranas ng tagtuyot, kabilang ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon.


Sa pagtatapos ng Mayo, inaasahang mas lalawak pa ang mga lugar na makakaranas ng matinding tagtuyot, kung saan maaaring madagdag ang Pampanga at Zambales.

Samantala, inaasahang makararanas ng dry spell—o hanggang 60% na pagbaba sa ulan—ang Bataan, Cagayan, at Metropolitan Manila.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page