top of page

Matamis na “Oo” ng bet na girl, matatanggap bago ang Pasko 2020

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 27, 2020
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| November 27, 2020




KATANUNGAN


  1. May nililigawan ako ngayon na katulong ng kapitbahay namin kung saan kapag nagkikita kami, palagi niya akong nginingitian at kapag kausap ko siya, maganda naman ang pakikitungo niya sa akin. Kapag may ibinibigay akong regalo sa kanya, tinatanggap naman niya. Kaya lang, kapag napag-uusapan ang pag-ibig o panliligaw ko sa kanya, palagi niyang sinasabi na ayaw pa niyang mag-boyfriend dahil bata pa siya.

  2. Kaya ang gusto kong malaman, Maestro, kung dapat ko pa bang ituloy ang panliligaw ko sa kanya kahit madalas niya sa aking sinasabi na ayaw pa niyang makipag-boyfriend?

  3. Sa ganitong mga sinasabi niya, Maestro, may pag-asa pa bang maging kami at ano ang dapat kong gawin?

KASAGUTAN


  1. Kung iisipin mong mabuti, Edward, kaya tinatawag na ligawan, sa dahilang unti-unti mong susuyuin ang isang babae na magkagusto rin sa iyo. Kaya naman sa umpisa ng ligawan, halimbawa, wala munang gusto sa iyo ang isang babae, pero dahil nililigawan mo siya, kapag mahusay kang manligaw ay magkakagusto rin siya sa iyo. Kaya ganu’n lang kasimple ang solusyon sa iyong problema, ipagpatuloy mo ang panliligaw, hindi naman sa hanggang sa mabusted ka, bagkus, ipagpatuloy mo ang panliligaw, hanggang sa magustuhan ka rin ng babaeng nililigawan mo.

  2. Sigurado namang mangyayari na magugustuhan ka rin ng nililigawan mo. Ito ang nais sabihin ng malinaw na Guhit ng Pakikipagrelasyon (Drawing A. at B. f-f arrow a.) na malinaw na malinaw na nakikita sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, habang patuloy mong sinusuyo nang tapat at may lambing ang nililigawan mo, sa bandang huli, tulad ng nasabi na, wala siyang magagawa kundi sagutin ka niya. At hindi matatapos ang taong ito ng 2020, bago sumapit ang Pasko, anuman ang kanyang idinadahilan sa kasalukuyan, sasagutin ka niya hanggang sa tuluyang maging girlfriend mo rin siya.


DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Edward, nakahanda na ang magaganap, sa taon ding ito ng 2020, abot na abot, sa kalagitnaan ng buwan ng Disyembre, sa edad mong 23 pataas, magkaka-girlfriend ka na rin sa wakas, hatid ng kasalukuyan mong nililigawan. Habang nalalapit ang Kapaskuhan, tuluy-tuloy namang iinit ang inyong wagas at dalisay na pagmamahalan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page