Mass repatriation sa mga Pinoy na nasa Ukraine, tutukan
@Editorial | February 25, 2022
Sa gitna ng tensyon dahil sa nagbabantang pananakop ng Russia sa Ukraine, tiniyak ng ating gobyerno na handa na tayo para magsagawa ng mass repatriation sa mga Pinoy na naroon.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), bumuo na ng crisis management mechanisms at exit strategies ang Philippine Embassy sa Ukraine.
Gayundin, ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) para sa 380 Filipinos na nasa Ukraine.
Nakahanda na umano ang mga sasakyan para sa paglilikas at may napili na ring pick-up at exit points at lugar na pansamantalang matutuluyan ng mga ililikas na kababayan.
Mainam talagang maging maagap. Hindi natin alam kung ano ang mga puwedeng mangyari.
Posibleng lumala ang sitwasyon sa Ukraine at maipit sa gulo ang mga kapwa natin Pinoy.
Pakiusap din sa mga nakatakdang ilikas, sana'y makiisa at unawain ang kalagayan.
Batid natin na malaking bagay o pagkakataon ang nakasalalay lalo na sa mga nagtatrabaho.
Gayunman, wala pa ring hihigit sa pangangailangang maging ligtas.
Samantala, kaisa tayo sa mga nagdarasal na matigil na ang kaguluhan, magkaroon nawa ng kaliwanagan ang isipan ng bawat isa upang hindi na humantong sa giyera ang mga hindi pagkakaunawaan.
Isipin natin ang ating mga anak na nangangarap at umaasa sa malaya at maligayang hinaharap.



Comments