top of page

Masaya at maunlad na pamilya, ganti ng kapalaran sa kasambahay na todo-sikap para sa mga magulang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 27, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | February 27, 2022





KATANUGAN

  1. Kasambahay ako ngayon, kaya bukod sa maliit ang suweldo ay hirap ang aking katawan. Sabi ng boyfriend ko, tumigil na ako sa pagtatrabaho at magpakasal na kami dahil may maganda naman siyang trabaho ngayon. Pero ayaw ko nang walang trabaho dahil buwanan ako magpadala sa aking pamilya sa probinsiya at ‘yun lang ang aasahan ng mga magulang ko. Kaya lang, kung puro ako ang inaasahan sa amin, habambuhay na lang ba akong ganito at paano ako makapag-aasawa?

  2. Hindi ba, Maestro, hindi naman masama kung paghahandaan ko na ang sarili kong future o pagtatayo ng sarili kong pamilya kaysa puro na lang bigay sa pamilya, gayung mga dalaga at binata na sila, pero ayaw naman nilang magsikap na maghanap ng trabaho?

  3. Sana ay mabigyan n’yo ako ng payo, magulo kasi ang isip ko ngayon dahil sa edad kong 32, parang gusto ko na ring mag-asawa. Minsan naiisip kong tama ang boyfriend ko na sarili ko naman ang asikasuhin ko dahil teenager pa lang ako ay nagtatrabaho na ako para sa pamilya ko at isa pa, natatakot din akong tumandang dalaga.

KASAGUTAN

  1. Ayon sa Bible, partikular sa Tesalonica 3:10, “Ang ayaw magtrabaho ay huwag pakakainin!” Kaya kung susundin mo ang ang payong ito ni San Pablo (dahil siya ang sumulat ng Teselonica), kung nasa hustong gulang na ang iyong mga kapatid, tama ang boyfriend mo, hindi mo na responsibilidad ang pag-aaruga, pagpapadala ng pera at pagpapakain sa kanila. Habang kung ako naman ang tatanungin, ang sasabi ko ay minsan, mas makabubuting magutom ang mga kapatid mo upang matuto naman silang maghanap ng trabaho.

  2. Samantala, kayo na ang magkakatuluyan ng kasalukuyan mong boyfriend. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a,) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung may mahabang panahon na ring namagitan sa inyo ng kasalukuyan mong nobyo at dama mong quality relationship naman ang pinagsasaluhan n’yo, walang alinlangang sa huli, ito ay mauuwi na rin sa isang maligayang pag-aasawa na kinumpirma naman ng maganda at maayos ding Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tanda na dahil nagtiis ka noong ikaw ay bata pa, alang-alang sa iyong mga magulang at mga kapatid, kung saan nagsikap at nagtrabaho ka para sa kanila, darating naman ang panahong kapag nag-asawa ka na, bilang ganti ng kapalaran, kusa kang magkaroon ng maunlad at maligayang pagpapamilya habambuhay.

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Zeny, ang nasabing masaya at panghabambuhay na pag-aasawa ay nakatakdang maganap sa susunod na taong 2023, sa edad mong 33 pataas. Sa panahong ‘yun, kung paano mo minahal at pinahalagahan ang iyong pamilya sa probinsiya, bilang ikaw ay isang mabuting kapatid at anak, ganu’n ka rin mamahalin, pahahalagahan at paliligayahin ng takdang kapalaran sa panahong may sarili ka nang tahanan. At tulad ng nasabi na, nakatakda na sa iyo ang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page