Mas matinding lifestyle check sa gov’t. official at employees
- BULGAR

- Sep 23, 2020
- 1 min read
@Editorial | September 23, 2020
Umani ng samu’t saring reaksiyon ang pagpapatigil ng Office of the Ombudsman sa lifestyle check sa mga kawani ng gobyerno.
Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni Ombudsman Samuel Martirez na hindi ito sapat na batayan para masabing tiwali ang isang opisyal o kawani. Hindi rin umano ito sapat upang patunayan na tiwali ang isang opisyal o kawani.
Kunsabagay, sa dami na ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na naging kontrobersiyal, ipinatawag sa Kongreso at sinampahan ng kaso dahil sa korupsiyon, ilan na ba ang nasipa sa puwesto o naipakulong?
Marahil ay panahon na nga para amiyendahan ang Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards of Public Official and Employees.
Isa rin umano sa kailangang gawin ay linawin ang kahulugan ng simpleng pamumuhay.
Iginiit din ng Ombudsman na wala sa hulog ang lohika ng pagsasalang sa lifestyle check dahil may kani-kanyang prayoridad ang bawat isa sa mga opisyal o kawani ng pamahalaan.
Gayunman, mahalaga pa rin kung nakikita ng taumbayan kung paano namumuhay ang kanilang kinatawan na naaayon sa kanilang kinikita at hindi sa kinukurakot.
Kung may nakikitang butas sa batas, tama lang na silipin ito at tapalan o tuluyan nang palitan.
‘Pag okay na, siguruhing mas matinding lifestyle check na ang ipatupad, ‘yung walang opisyal o empleyado na makakalusot.



Comments