Mas mataas na multa sa mga panggulong kandidato
@Editorial | October 29, 2021
Habang papalapit ang halalan, mas lalong umiinit ang mga isyu sa pulitika.
Nagsimula na ring mag-ungkatan ng mga baho ang mga nangangarap na maupo sa puwesto.
Nagkakaalaman na rin kung sino ang may “K” sa wala.
Gayunman, bago umastang kandidato, kailangan pa ring hintayin ang hatol ng Commission on Elections kung sila ba ay pasok sa balota o out sa eksena.
Sa ngayon, sinisikap din ng Comelec law department na mapairal ang patakaran na magpapataw ng multa sa mga nuisance candidates o panggulong kandidato, lalo na sa national positions.
Naging usapin ito sa pagdinig ng Senate electoral reforms and people’s participation.
Ayon sa Comelec, pabor sila sa panukalang gawing P100, 000 ang penalty sa mga mapatutunayang tumatakbo lamang para gawing katatawanan ang halalan at guluhin ang proseso.
Bukod sa multa, payag din sila sa hirit na hindi papayagan ang pagtakbo ng nuisance candidates sa susunod na dalawang halalan.
Sa kasalukuyan, walang penalty sa mga panggulong kandidato, maliban lamang sa aalisin sila sa listahan ng mga official candidates.
Kaya ang mga pasaway, tuloy pa rin pag-eksena.
Ang halalan ay sagrado at seryosong proseso. Sa pamamagitan nito, nabibigyan tayo ng pagkakataong makapamili ng mga lider at kinatawan ng ating bayan.
Kung sa simula pa lang ay hindi na ito ginagalang, ano pa mangyayari sa kabuuan ng proseso?
Panahon na para baguhin ang mga mali. Kailangan na nating iangat ang antas ng sistema.
Walang ibang panahon kundi ngayon at dapat patunayan ng mga awtoridad na kaya itong gawin alang-alang sa kapakanan ng lahat.
Kaya sa mga panggulong kandidato, lagot na kayo.
Kung walang pang-multa, good luck na lang.



Comments