Mas mataas na honoraria at allowance sa mga guro na duty sa eleksiyon
- BULGAR
- Dec 11, 2021
- 1 min read
@Editorial | December 11, 2021
Tuwing halalan, katuwang din ng Comelec on Elections (Comelec) ang Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng mga guro.
Kaugnay nito, nakahanda umano ang DepEd na tumulong sa Comelec para makahingi ng mas mataas na pondo mula sa Kongreso para sa karagdagang benepisyo ng mga guro na magsisilbi sa papalapit na eleksiyon.
Una nang pinagbigyan ng Comelec ang DepEd sa hiling na mas mataas na honoraria at allowances para sa mga titser.
Ayon sa DepEd ang hinihingi nilang dagdag-pondo ay para sa karagdagang proteksiyon ng kanilang mga guro at iba pang tauhan ngayong nananatili ang pandemya dulot ng COVID 19.
Kabilang sa mga nais nilang benepisyo ay ang pagbibigay ng Special Risk Allowance (SRA) na katumbas ng 25 porsiyento ng buwanang sahod, P1, 000 food and water allowance kada araw ng kanilang pagsisilbi at health insurance sakaling sila ay mahawa ng COVID 19.
Bukod pa riyan ang pagbibigay ng bitamina at supplements, probisyon para sa swab testing, pondo para sa pagsasaayos at paglilinis ng mga pampublikong paaralan na gagamiting voting centers at pagbibigay ng honoraria sa mga miyembro ng DepEd Monitoring and Coordination Teams ng 2022 Election Task Force ng kagawaran.
Batid nating talagang buwis-buhay din ang mga titser na naglilingkod tuwing halalan dahil sa banta ng karahasan at ngayon naman ay sa COVID-19.
Sila ang palaging katuwang ng gobyerno para sa maayos at mapayapang eleksiyon, kaya hindi naman siguro kalabisan na pagbigyan ang kanilang pakiusap, lalo na kung may pondo naman.



Comments