Mas maraming trabaho, mas mabilis makakabangon mula sa pandemya
@Editorial | May 7, 2022
Good news na maituturing na bumaba sa 2.87 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa noong buwan ng Marso ng kasalukuyang taon.
Kaugnay nito, bumaba sa lowest level ang unemployment rate mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang naturang bilang ng mga unemployed adults edad 15 pataas noong Marso ay nagpapakita ng 5.8% unemployment rate.
Ang unemployment rate na ito noong Marso ay pinakamababa simula nang mag-peak ang COVID-19 pandemic lockdowns noong Abril 2020 kung saan ang all-time high unemployment rate ay nasa 17.6% o katumbas ng 7.3 million Pinoy na walang trabaho.
Mas mababa ito sa 3.13 million jobless adults na naitala noong Pebrero na nagpapakita ng unemployment rate na 6.4%.
Inaasahan nating mababawasan ang mga tambay dahil nagbukas na ulit ang mga negosyo. Idagdag pa ang mga bagong bukas na establisimyento. Nakakatuwa na sa gitna ng hamon ng pandemya ay may mga kababayan tayong nagkaroon ng pagkakataon na makapagtayo ng sariling negosyo, lalo na online.
Ito 'yung sinasabi nating sa anumang sitwasyon, meron at merong paraan para makasabay at maka-survive.
Gayunman, hindi lahat ay may oportunidad o kakayahan. Kailangan pa rin ang suporta ng pamahalaan.
Malaking bagay ang ayuda pero iba pa rin kung pangmatagalang tulong – trabaho.
Batid nating maraming iniaalok na trabaho, ang problema limitado ang skills ng mga nag-a-apply, kumbaga hindi swak. Kailangang mas lawakan ang edukasyon at training.
Sana, ito ang isa sa mga mapagtuunan ng mga bagong mauupo sa gobyerno. Mas matutukan nawa ang sektor ng paggawa, bilang ito ang sentro ng ating kabuhayan at pag-unlad.
Likas naman sa atin ang pagiging matalino, madiskarte at matiyaga, trabaho na lang talaga ang wala.



Comments