Mas maraming teaching positions at mas mataas na sahod sa guro, na kay P-Du30 na!
@Editorial | March 25, 2022
Nakabinbin pa sa Opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa approval ng executive order, ang lilikha ng mas marami pang teaching positions at mas mataas na sahod para sa mga guro.
Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, sa oras na maaprubahan ang proposed executive order, nasa apat na posisyon ang madaragdag gaya ng Teacher 4, 5, 6 at 7 na may kaakibat na Salary Grade 14, 15, 16 at 17.
Inaprubahan ng gabinete ang proposed EO ni Education Secretary Leonor Briones subalit ang implementasyon aniya nito ay nangangailangan ng maigting na pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM), Civil Service Commission at sa Professional Regulation Commission (PRC) hanggang sa ito ay maisapinal.
Una nang inayos ng DepEd ang pagrepaso sa career progression system para sa mga public school teachers para matulungan din silang magkaroon ng career at financial stability.
Wala tayong ibang hangad kundi ang mapabuti at mas mapaunlad ang edukasyon at mangyayari 'yan katuwang ang ating mga guro.
Kaya hindi naman kalabisan kung pagtutuunan din ng pansin ang kanilang mga pangangailangan.
Bilang tulay ng paghahatid ng kaalaman tungo sa magandang kinabukasan, patatagin natin ang pundasyon.
Pag-aralang mabuti ang hiling ng kanilang hanay at kung makatarungan at may sapat namang kakayahan ang pamahalaan para mapagbigyan ito, huwag nang ipagdamot pa.



Comments