Mas malaking pondo para sa susunod na taon, tulong para sa pagbangon sa pandemya
@Editorial | May 26, 2022
Kasabay ng panibagong administrasyon at mga plano para sa bayan, inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na posible umanong pumalo sa P5.268 trilyon ang full-year budget ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa 2023.
Kasunod na rin ito ng 181st meeting ng inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) na kinabibilangan ng mga economic managers ng bansa.
Ang panukalang budget ay katumbas ng 22.1 percent na gross domestic product ng bansa.
Ang budget ceiling na aprubado ng economic managers ay mas mataas kumpara sa P5.242 trillion na inaprubahan ng mga economic team noong December 2021.
Ang DBCC ay kinabibilangan ng mga kalihim ng Socioeconomic Planning, Finance (DOF), Budget and Management (DBM) maging ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa economic team, ang desisyon ng mga economic managers na magkaroon ng P5.268 trillion cap para sa 2023 national budget ay dahil na rin sa mas mataas na projected revenue collections sa susunod na taon.
Samantala, base na rin sa pagtaya ng mga economic managers, ang disbursements sa susunod na taon ay posibleng papalo sa P5.086 trillion o katumbas ng 21.3 percent ng GDP.
Nanatili naman ang target ng DBCC na fiscal deficit sa 6.1 percent ng ekonomiya sa 2023.
Una nang sinabi ni Marcos na tinitignan ang national budget para sa 2023 na puwedeng kuhanan ng pondo para sa economic stimulus measure dahil pa rin sa nararanasang COVID-19 pandemic.
Tiwala tayo na magiging maayos at matalino ang paggamit sa nasabing pondo. Nauunawaan natin ang pangangailangan para tuluyang makabangon mula sa pandemya. Ganundin ang pagpapatuloy sa mga programa at proyekto na para sa kapakinabangan ng lahat.
Kaugnay nito, umaasa rin tayo na magiging transparent ang gobyerno pagdating sa pondo — ‘yung makikita at mararamdaman ng sambayanan.



Comments