top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Mas malaking allowance para sa mga guro, dapat lang!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 15, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 15, 2024


Isang hakbang na lang para maging ganap na batas ang isang panukala na naglalayong itaas ang annual teaching allowance sa P10,000 ng mga guro sa pampublikong paaralan, kung saan pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kailangan.


Ito ay matapos na pagtibayin ng House of Representatives at ng Senado ang panukalang “Kabalikat sa Pagtuturo Act”.


Sa ginanap na plenary bicameral conference committee report, iniulat ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ang tungkol sa hindi sumasang-ayong probisyon ng mga bersyon ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso.


Gayunman ayon kay Revilla, ang bicameral conference committee ay sumang-ayon din sa bagong pinaigsing titulo ng naturang bill at ni-revise ang orihinal na termino para sa allowance na mula sa “Teaching Supplies Allowance” ay naging “Teaching Allowance”.


Paliwanag ng senador, ang bagong terminong ito ay binuo upang ‘masaklaw nang mas komprehensibo ang mga instrumento para sa pagtuturo’. 


Dahil sa ratipikasyon ng parehong chambers of Congress, ang panukalang batas ay ipapadala na sa Malacañang para sa pag-apruba o pag-veto naman ni Pangulong Marcos.


Hindi na rin magtatagal at magiging batas na ang isang bill na malaking pakinabang sa ating mga guro sa pampublikong paaralan.


Ito na ang panahon na dapat bigyan ng mas malaking allowance ang mga titser na marami na ring naranasang hirap, habang patuloy at matiyagang nagtuturo sa kanilang mga estudyante.


Napagtuunan na rin ng pansin ang kanilang kalagayan, kung saan nararapat na matumbasan man lang natin ang kanilang mga sakripisyo at pagod sa pagtuturo. 


Sana lang ay bilis-bilisan ng pamahalaan ang pagpapatupad nito at maipagkaloob agad sa ating mga guro.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page