Mas mahigpit na testing at quarantine vs. Omicron
@Editorial | December 03, 2021
Sa gitna ng banta ng Omicron COVID-19 variant, naniniwala ang grupo ng mga doktor na kailangan lang ng dagdag na intervention imbes na travel ban.
Kailangan lang ng mas mahigpit na testing at quarantine measures. Tiyakin lang na lahat ng biyahero, saan man sila galing, bakunado man o hindi ay mate-test at sasailalim sa quarantine protocols.
Sa ngayon, may higit 60 Pinoy na nagmula sa red list countries ang mino-monitor ng Bureau of Quarantine na kahit negatibo sa COVID-19 ay sasailalim pa rin sa 14-araw na quarantine.
Kung lahat ng papasok sa bansa ay daraan sa mas istriktong panuntunan, walang lulusot o palulusutin, mas madali nating makokontrol ang sitwasyon.
Sa tagal nating namumuhay sa gitna ng pandemya, na iba’t ibang variant na ng COVID-19 ang dumating at kumalat, sana naman ay natuto na tayo ng mga strategy laban dito.
Hindi na puwede ‘yung puro na lang takot at pagkukulong sa bahay. Kung maraming nakaka-survive, ibig sabihin ay may paraan para malabanan o maiwasan ang virus.
Panahon na para maging mas matapang sa virus. Nariyan na ‘yan, kasama na sa buhay.
Kung hindi natin lalabanan, walang mangyayari. Masasayang ang buhay, mababalewala ang lahat ng sakripisyo.



Comments