Mas mahabang termino sa Barangay Officials, oks lang basta may silbi at hindi korap!
@Editorial | August 2, 2022
Marami ang nag-aabang kung matutuloy ang Barangay at SK elections sa Disyembre 5, 2022.
Nasa 41 panukalang batas ang inihain ngayon sa Kamara para sa pagpapaliban ng naturang halalan.
Nagsimula na ring magparamdam ang mga nag-aambisyong makapuwesto.
Gayunman, posible umanong hindi ito matuloy dahil sa P8.11 bilyong matitipid ng gobyerno kung ipagpapaliban ito.
Ang halagang matitipid dito, maaaring gamitin sa nagpapatuloy na COVID-19 response at iba pang kinakailangang pang-ayuda.
Ang problema, kung mga walang silbi ang kasalukuyang opisyal sa barangay, mae-extend din ang kapalpakan at paghihirap ng mamamayan.
Kung puwede lang sana na magkusa na lang ang mga walang 'K' sa posisyon at nang mapalitan ng mga responsable at tapat.
Kasabay nito, inihihirit din ang pagpapalawig sa termino ng Barangay at SK officials nang hanggang limang taon. Masyado umanong maikli ang tatlong taon upang mapatunayan ng isang opisyal ang kanyang kakayanan na mamuno.
Napakahalaga ng mga barangay officials, sila ang unang nakakaalam ng kalagayan ng taumbayan. Sila ang unang takbuhan ng mga nangangailangan. Ang maayos na barangay ay patungo sa mas mapayapa at maunlad na bayan. Kaya piliin natin ang mga karapat-dapat na kakatawan sa atin.



Comments