Mas mabilis na aksiyon sa mga binagyo
@Editorial | December 21, 2021
Nakaaalarma ang ulat na panloloob ng mga biktima ng Bagyong Odette sa mga tindahan at iba pang establisimyento.
Napilitan na ang mga residente na gumawa ng masama dahil sa kumakalam na sikmura.
Ayon sa mga binagyo, wala nang makakain, wala pang maiinom -- buhay nga sa COVID-19 at bagyo, patay naman sa gutom.
Kailangan nang magkaroon ng pagbabago sa sistema ng paghahatid ng tulong tuwing may kalamidad.
Kung papansinin, 'yun at 'yun din ang mga suliranin pagdating sa paghahatid ng relief goods.
Wasak ang mga kalsadang daraanan, walang linya ng kuryente at komunikasyon, mahirap
maitawid ang ayuda.
Kung gayun, bakit hindi tayo gumawa ng paraan na makasabay o unahan na ang mga ganitong problema?
Kung pqlaging may balakid sa paghahatid o pamimigay ng tulong, lalo na sa mga lugar na liblib, bakit hindi sa mismong mga barangay mag-imbak ng mga bagay na pang-emergency?
Habang wala pang bagyo, pangunahan na ng mga opisyal ang pag-iimbak o pagtatabi ng mga kagamitan at pagkain na makapagbibigay ng paunang saklolo.
Habang naghihintay sa mga tulong mula sa ibang lugar, kahit paano ay mayroon nang napaghuhugutan ng mga pangunahing pangangailangan.
Ganundin sa bawat pamilya, bagama’t pandemya at talagang kinakapos, sikapin nating makapagtabi, lalo na kung batid nating may paparating na masamang panahon.
Hindi lang sapat 'yung nakakangiti o nakakatawa tayo sa gitna ng bagyo, iba pa rin 'yung panatag tayo na kahit paano ay may makukuhanan tayo kahit pantawid lang sa ilang araw.
Panawagan din sa ating gobyerno, makagawa sana tayo ng mas mainam na sistema kung paano mas mabilis na makakaresponde sa ating mga kababayan sa tuwing may bagyo at iba pang kalamidad.
Kung may sapat na pondo, huwag nang magpatumpik-tumpik pa at ilarga na agad.
Pakiusap din sa mga pulitiko, lalo na ngayong mag-eeleksiyon na alam naman nating kayo mas nagpapakitang-gilas, sana huwag masyadong epal. Alam naman na ng publiko ang inyong mga galawan.
Tumulong na lang kung may maitutulong at manahimik kung walang maiaabot. Huwag nang haluan ng pamumulitika utang na loob.



Comments