Mas mabigat na parusa sa pasaway sa parking
- BULGAR
- Sep 24, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Sep. 24, 2024

Bagama’t buong taong ramdam ang malalang trapik lalo sa Metro Manila, mas iba pa rin ang bigat ‘pag ber months na.
Kaya nga wala ring tigil sa clearing operation ang mga otoridad para kahit paano ay maging maayos ang mga kalsada. Walang sagabal.
Ang problema, sadyang may mga pasaway na hindi natitinag. Tipong kapag nalaman nilang may hulihang magaganap, mag-aalisan muna pero mamaya lang magsisipagbalikan na naman.
Nitong linggo lang, nasa 100 sasakyan sa Metro Manila ang nahatak ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa illegal parking.
Ayon sa MMDA, patuloy ang kanilang paghabol sa mga motorista na nakaharang ang mga sasakyan sa mga pampublikong kalsada.
Nag-isyu ang mga tauhan ng MMDA ng citation tickets sa 87 mga driver at owner dahil sa naiwang nakaparada ang mga sasakyan sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Biak na Bato, Quezon City; Dapitan at Blumentritt Streets sa Maynila; Ortigas Avenue malapit sa La Salle Greenhills sa Mandaluyong City; at F. Blumentritt, F. Manalo, Parada, Wilson, Annapolis at Connecticut Streets sa San Juan City.
Pinagsabihan din ang mga tsuper ng public utility vehicles (PUV) tulad ng mga jeepney na kumukuha at nagbababa ng mga pasahero sa mga lugar na itinuturing na ilegal para sa loading at unloading sa EDSA Rotonda sa Pasay City.
Bilang parusa, pinagmumulta ng P1,000 ang mga mahuhuli sa illegal parking habang P2,000 naman sa unattended parking, o kapag naiwang nakaparada ang sasakyan nang walang drayber. Matatandaang nanatili ang mga multa matapos ipagpaliban ang panukalang taasan ang mga ito sa P4,000.
Hirit tuloy ng mga matitinong motorista, sana ay itinuloy na lang ang mas mataas na multa para mag-alangan ang mga pasaway.
Pero sana, mas piliin nating maging disiplinado. Kapag sinabing bawal at nakakaperhuwisyo, sumunod na lang at ‘wag nang makipagmatigasan sa batas.
Comments