top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Mas mabigat na parusa sa pasaway na tsuper

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 25, 2025
  • 2 min read

by Info @Editorial | Apr. 25, 2025



Editorial

Sa nagdaang mga araw, habang karamihan sa ating mga kababayan ay taimtim na ginunita ang Mahal na Araw, ilang malulungkot na balita naman ang sumira sa diwa ng pagninilay — mga aksidenteng kinasangkutan ng ilang tsuper na kalauna’y natuklasang positibo sa ilegal na droga. 


Kaugnay nito, halos 700 drayber ang sinuspinde ang lisensya na bukod sa ilang nagpositibo sa droga ay nasangkot sa aksidente dahil sa kapabayaan. Ang suspensyon ng lisensya ng mga nasangkot na drayber ay isang hakbang sa tamang direksyon, ngunit sapat ba ito upang matuldukan ang trahedya sa kalsada? 


Sa bawat nasasayang na buhay, sa bawat pamilyang nauulila dahil sa iresponsableng pagmamaneho, paulit-ulit ang tanong na bakit nakakalusot pa rin ang mga drayber na ito?Hindi sapat ang isang beses na drug test sa pagkuha ng lisensya. Dapat itong gawing regular, lalo na sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan. 


Katuwang nito ang mas mahigpit na background check, mas madalas na random testing, at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko. 


Hindi rin dapat basta suspensyon lamang ang parusa — kung napatunayang may droga sa katawan at may pananagutan sa aksidente, dapat silang managot sa ilalim ng batas, hindi lang bilang drayber kundi bilang mamamayang lumabag sa batas-kriminal.


Ang pagiging drayber, lalo na ng pampublikong sasakyan, ay isang responsibilidad na may kaakibat na buhay ng iba. Hindi ito dapat minamaliit o ginagamit bilang pagkakataon upang itago ang bisyo o kapabayaan. 


Ang gobyerno, mga ahensya sa transportasyon, at ang bawat isa sa atin ay may papel para masigurong ang ating mga lansangan ay ligtas.


Paalala, ang lisensya sa pagmamaneho ay hindi karapatang ibinibigay sa lahat, kundi pribilehiyong dapat mapanatili sa pamamagitan ng disiplina, malasakit, at tunay na pananagutan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page