top of page

Mas mabigat na parusa ipataw sa vote-buying

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 4
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 4, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa halip na makaramdam ng pananabik sa nalalapit na halalan, mas nangingibabaw ang pangamba sa patuloy na pagdami ng ulat ng pamimili ng boto at pag-abuso sa pondo ng bayan — isang malinaw na patunay na hindi pa rin nagbabago ang kalakaran sa ating sistemang pampulitika. 


Habang papalapit ang May 12 midterm elections, inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdagsa ng mga reklamo ukol sa vote-buying at paggamit ng yaman ng gobyerno para sa kampanya — mga gawaing matagal nang nagpaparumi sa proseso ng demokratikong pagpili. 


Ayon kay Commissioner Ernesto Maceda Jr., head ng Committee on Kontra Bigay, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga sumbong sa huling linggo ng kampanya. 

Sa ngayon, umabot na sa 309 ang naitalang reklamo, karamihan ay mula sa Calabarzon, Central Luzon, NCR, Mimaropa, at Bicol. 


Bagama’t mas mababa ito kumpara sa 1,226 kaso noong 2022 elections, hindi ito dapat ituring na pag-usad. Sa halip, isa itong indikasyon ng mas tahimik subalit mas sistematikong pamimili ng boto — na karaniwang idinadaan pa rin sa pamimigay ng pera, grocery, o iba pang bagay na madaling itago pero malakas ang impluwensya. 


Ang mas masaklap pa, ginagamit ng ilang kandidato ang mismong pondo ng bayan para sa kanilang kampanya — isang maliwanag na paglabag sa prinsipyo ng patas at tapat na halalan. 


Maganda ang panawagan ng Comelec sa publiko na magsumbong sa pamamagitan ng email o social media. Pero, sapat ba ang paglalabas ng show cause orders sa 213 kandidato at partylist groups para maituring itong epektibong aksyon laban sa katiwalian? 


Sa aking palagay, hindi pa rin ito sapat. Tila taun-taon na lamang natatapos ang halalan na wala ni isang pangunahing personalidad ang totoong napapanagot. Kailangan marahil ng mas mabigat na parusa para sa mga lalabag sa kautusan. Gayunman, hindi lang Comelec ang may tungkulin dito. Nasa kamay ng mamamayan ang tunay na kapangyarihan para wakasan ang ganitong kalakaran. 


Hindi dapat matakot ang sinuman na magsumbong o magtanong — lalo na sa mga kandidatong mas abala sa pamimigay kaysa sa pakikilahok sa mga debate. 


Ang demokrasya ay hindi dapat tratuhing parang bentahan, kundi isang responsibilidad. Sa bawat suhol na tinatanggap, may nawawalang serbisyo, proyekto, o pagkakataon para sa ikabubuti ng nakararami. 


Ang pamimili ng boto ay tulad ng anay sa haligi ng demokrasya. Pero hindi sapat na tukuyin lamang ang problema — kailangan itong sugpuin, sa pangunguna ng mismong mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page