Mas mababang Alert Level para sa ekonomiya, ‘wag sayangin
@Editorial | February 02, 2022
Positibo ang pananaw ng karamihan sa pagpasok ng Pebrero.
Kasabay kasi nito ang pagbababa sa alert level restrictions sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar.
Sa ilalim ng mas mababang alert level ng restrictions, mas maitataas na ng mga negosyo ang kanilang kapasidad kaya mas kikita na sila at tuloy ang trabaho.
Posible rin umanong maibaba pa ito sa Alert Level 1 pagsapit ng Marso. Kung saan, mahigpit na pagsunod sa health protocols na lang ang paiiralin.
Pababa na rin ang epekto ng Omicron variant ng COVID-19, na kahit noong panahong mataas ang infection ay hindi naman umano napuno ang mga ospital.
Mas mababa rin ang nadagdag sa bagong kaso ng COVID-19. Batay sa ulat kahapon, 9,493 lamang na bagong kaso ng COVID ang naitala.
Basta tuloy lang ang pagsunod sa mga health and safety protocols, papunta na tayo sa ‘ika nga’y ‘new normal’.
Unti-unti na tayong masanay makapamuhay nang may banta ng COVID-19.
Sa halip na matakot, mas dapat lumaban at sumabay para hindi tayo mapag-iwanan.
Muli, nagpapasalamat din tayo sa ating mga frontliners na buwis-buhay mula umpisa hanggang sa kasalukuyan. Grabe ang kanilang sakripisyo, bagay na hindi natin dapat makalimutan.
Nakatawid tayo sa sitwasyong ito dahil sa kanilang sakripisyo, malasakit at pagmamahal, huwag nating sayangin.



Comments