Mas maayos na sistema sa pamimigay ng ayuda
- BULGAR
- Aug 21, 2022
- 1 min read
@Editorial | August 20, 2022
Dumagsa sa iba't ibang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga estudyante, magulang at guardian para sa ayuda.
Kahapon ang unang Sabado ng bigayan, at marami ang Biyernes pa lang ay nakapila na. Grabe ang siksikan, dedma na sa COVID-19 at iba pang banta sa kalusugan.
Bagama't nakaantabay ang mga awtoridad, sadyang mapapansin na sablay ang naging sistema.
Marami ang nagsasabi na sana ay sa barangay o mismong eskwelahan na lang isinagawa ang distribusyon. Mas mabilis nga namang matutukoy ng mga opisyal ng barangay o ng mga guro kung ang tatanggap ay kuwalipikado.
Una nang inanunsyo na may matatanggap na ayuda ang mahihirap na estudyante. Para sa mga indigent student na nasa elementary, makatatanggap sila ng P1,000, habang P2,000 naman sa mga high school students, P3,000 sa senior high school at P4,000 naman ang matatanggap na ayuda ng mga estudyante na nasa kolehiyo.
Kailangan lamang ng mga estudyante na magpresenta ng certificate of enrollment o registration at valid ID.
Pasok sa ayuda ang mga estudyanteng mahirap, breadwinner, working student, ulila o inabandona ng mga magulang, anak ng solo parent at iba pa.
Ibibigay ang ayuda tuwing Sabado hanggang sa Setyembre 24. Kaya may pagkakataon pa ang DSWD na baguhin ang sistema.
Para naman sa mga benepisaryo, unawain nating mabuti ang mga instructions. Kapag sinabing magparehistro muna at hintayin ang sagot kung kailan makukuha ang ayuda, 'yun ang gawin. Huwag nang makipagsabayan sa mga naka-schedule.
At kapag nakuha na ang cash assistance, gamitin natin ito sa ating pag-aaral dahil ito naman talaga ang layunin kung bakit nakatanggap ng ayuda.



Comments