Mas kumpiyansang Ahamnisi bumida sa panalo ng Hotshots
- BULGAR
- Aug 23, 2024
- 2 min read
ni Rey Joble @Sports News | August 23, 2024

Todo-buhos ang Magnolia Hotshots sa pagsungkit sa unang panalo sa bagong season ng PBA at nitong Biyernes ng gabi, nagpamalas ang Hotshots ng mas solidong laro para idispatsa ang Converge, 105-93 sa Smart Araneta Coliseum.
Umangkla ang Hotshots sa matinding depensa pero kinailangan pa ring sumandal sa mga beteranong players sa dulo para pigilan ang paghahabol ng FiberXers.
Limang players ang tumapos sa double figures para sa Hotshots sa pangunguna ng kanilang import na si Glen Robinson III.
Ang anak ng dating NBA star na si Glen Robinson ay nagtala ng 28 puntos para giyahan ang Hotshots sa kanilang unang panalo sa tatlong laro habang tig-14 na puntos ang naiambag nina Paul Lee, Jerrick Ahanmisi at Ian Sangalang at tumapos ng 10 puntos si Calvin Abueva.
Para kina Lee at head coach na si Chito Victolero, kapansin-pansin ang bagong sigla sa larong ipinakikita ni Ahanmisi.
“I’m not gonna lie, sobrang sipag nu'ng bata,” ang sabi ni Lee. “We saw the results. Hands up ako doon sa bata kasi coming from a season na hindi talaga siya nagagamit, andun siya sa court every morning, ginagawa 'yung routine niya.”
Halos hindi na nagagamit noong nakaraang dalawang taon, ito na ang hinihintay na pagkakataon ni Ahanmisi matapos magkaroon ng oportunidad na mas makapaglaro ng mahabang minuto matapos ma-trade ang guwardiyang si Jio Jalalon at habang nagpapagaling pa ang rookie na si Jeron Lastimosa. “Jerrick works hard, andun lang siya sa period of adjustment na he’s being converted into a point guard kasi shooting guard talaga siya dati,” dagdag pa ni Victolero.
Pero sa bagong season ng PBA, kinakitaan ng mas mataas na kumpiyansa si Ahanmisi, kung kaya naman lumalabas ito sa kanyang laro.
“I think so,” sagot ni Ahanmisi sa mga sportswriters nang tanungin kung inaasahan ba ang kanyang breakout season.
“For the past couple of years, I’ve been putting in the work, I don’t know how long I can remember, but before practice and after practice, whether I play a lot or not, I tried to increase and improve my game.”








Comments