- BULGAR
Marumi at punit na apron, pahiwatig na magkakaroon ng mga bagong damit
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 12, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorraine ng Davao.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nasa isang restoran ako at nakasuot ng apron. Hindi ko napansin na marumi ang apron at medyo punit pa nang kaunti ‘yung laylayan. Tapos may dumating na lalaking customer at um-order ng pagkain. In-entertain ko siya at nag-serve ako ng pagkain. Hindi naman niya pinansin ‘yung suot kong apron, sa halip, sarap na sarap siyang kumain. Agad akong bumalik sa kusina at tinahi yung laylayan ng apron ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lorraine
Sa iyo, Lorraine,
Ang panaginip mo na nasa restoran ka at nakasuot ng maruming apron ay nagpapahiwatig na magkakaroon ka ng mga bagong damit. Ang kahulugan ng may punit sa laylayan ang iyong apron at tinahi mo ito ay magkakaroon ka ng bagong boyfriend. May makikilala kang lalaki na magpapatibok sa iyong puso.
Samantala, ‘yung customer mo naman na ganadong-ganado kumain ay nagpapahiwatig na magkakaroon ka ng bagong kaibigan. Siya ay napabibilang sa mayamang angkan at may posibilidad na mainlab sa iyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna