top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Mapanirang kasamahan sa simbahan, gusto nang patulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 17, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | April 17, 2023



Dear Sister Isabel,


Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa kapitbahay ko na palasimba at halos araw-araw ay laman ng simbahan, pero napakasama ng ugali. Kaaway niya ang mga kapitbahay niya, eh hindi naman din iba sa kanya ang mga ito dahil hipag niya, habang ako naman ay kasamahan niya sa simbahan.


Hindi ko malaman kung bakit naiinggit siya sa akin at sinisiraan ako sa mga kasamahan namin sa simbahan. Nalaman ko ito dahil hindi niya alam na ‘yung kaharap niya habang sinisiraan niya ako ay ka-chat ko sa messenger. Bakit kaya may mga ganu’ng klase ng tao?


Nagtataka ako dahil hindi naman ako mayaman at nagsusuot ng mamahaling damit, bag, at kung anu-ano pa. Simple lang ako at may buong kababaan ng loob na gumaganap sa mga tungkulin simbahan na alam kong kalugod-lugod sa Diyos.


Sister, ano ang puwede kong gawin para matigil na ang paninira sa akin ng kapitbahay kong ito? Malapit nang masagad ang pasensya ko at baka masaktan ko na siya. Nawa’y mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin.

Nagpapasalamat,

Glenda ng Taguig City


Sa iyo, Glenda,


Sadyang may ganyang tao na hindi kumpleto ang araw kung hindi nakakapanira ng kapwa na para bang nagbibigay sa kanila ng kaligayahan kapag may naaapakan silang tao.


Dalawa kasi ang uri ng tao sa mundo, ang isa ay nasa kaliwanagan, habang ang isa naman ay nasa kadiliman. Ibig sabihin, may masama at may mabuti.


Ang pinakamaganda mong magagawa ay huwag siyang pansinin, bagkus, lalo mong pagbutihin ang paggawa ng mga bagay na kalugod-lugod sa Diyos at hayaan mong mamatay siya sa inggit.


Mas angat ka kasi sa kanya sa maraming bagay, partikular sa kababaang loob mo at taimtim na paglilingkod sa Diyos. Napapansin ‘yan ng kapwa mo, kaya maraming lihim na humahanga sa iyo. Gayunman, batid kong magsasawa rin siya sa paninira sa iyo at kusa siyang titigil. Wala na kasing papansin sa kanya, at kusa siyang lalayuan ng inyong mga kaibigan.


Alalahanin mo, ang gawang masama ay hindi nagtatagumpay, gayung ang gawang mabuti ay may gantimpalang nakalaan at panghuli, sa lahat ng maipapayo ko sa iyo ay palagi kang tumawag sa Diyos sa lahat ng iyong problema sa buhay. Idulog mo sa Kanya ang lahat at Siya ang bahalang lumutas. Ipapaisip Niya sa iyo ang dapat mong gawin.


Dasal ang susi upang maligtas sa mga suliranin sa buhay, gayundin, dasal ang susi upang pagpalain ka at magtagumpay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page