top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Manila Chooks TM, nasa Doha para sa FIBA 3X3 World Tour

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 17, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 17, 2020




Dumating na sa Doha, Qatar kahapon ang koponan ng Manila Chooks TM upang katawanin ang Pilipinas sa 2020 FIBA 3X3 World Tour Masters na magsisimula ngayong Biyernes, Nobyembre 20. Handa na sa kanilang pagsabak muli kontra sa mga bigatin ng Europa, Asya at Estados Unidos sina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Troy Rike at Leonard Santillan na puro beterano ng World Tour.


Bilang isang imbitadong wild card, hindi pa tiyak kung daraan ang Manila sa qualifying round o ilalagay agad sa 12 koponan group stage. Ayon sa pinakahuling FIBA 3X3 Ranking, ang mga Pinoy ay pang-walo sa 14 kalahok.


Ito na ang ika-apat at huling yugto ng 2020 World Tour matapos ang tatlong matagumpay na torneo sa Debrecen, Hungary noong Agosto 29 hanggang Setyembre 5. Nakamit ng Liman ng Serbia ang dalawang kampeonato at ang isa ay napunta sa Riga ng Latvia at kasali muli ang dalawang higante sa Doha.


Nasa listahan ng Liman si Stefan Stojacic na nagsilbing coach ng Pilipinas sa kanilang paghanda para sa naudlot na FIBA Olympic Qualifying Tournament noong Marso. Aabangan ang posibleng tapatan ng guro at kanyang mag-aaral.

Kalahok din ang isa pang koponang Serbian na Ub na kinabibilangan nina Marko Brankovic, Ivan Popovic at kapatid ni Coach Stefan na si Strahinja Stojacic. Matatandaan na dumalaw sa bansa noong Pebrero ang tatlong manlalaro at ilan pa sa kanilang kababayan upang labanan araw-araw ang mga Pinoy.


Ang iba pang bigating kasali sa Doha ay ang Lausanne ng Switzerland, Jeddah ng Saudi Arabia, Utena Uniclub ng Lithuania at NY Harlem at Princeton ng Estados Unidos. Nakapasok matapos magkampeon sa kanilang mga bansa ang Kamakura Nature Made ng Japan, Bielefeld LFDY ng Alemanya at Riyadh ng Saudi Arabia habang mga iba pang imbitadong wild card tulad ng Manila ang Yoyogi Crayon.EXE ng Japan at Lusail ng Qatar.


Kailangan ay hindi bababa sa ika-apat na puwesto o makapasok sa semifinals ang Manila para may pag-asa na makasama sila sa Grand Finals na gaganapin sa Jeddah ngayong Disyembre 18 at 19. Ang 12 may pinakamaraming nalikom na puntos mula sa apat na yugto ang bibigyan ng karapatan na maglaro roon.


Mabait ang Doha sa mga Pinoy. Noong Abril ng 2019, ginulat ng mga baguhang Pasig Chooks ni Munzon at Balanga Chooks nina Pasaol at Santillan ang lahat sa kanilang pagsungkit at ika-lima at ika-anim na pwesto sa Qatar.


Unang tinalo ng Balanga ang Riga sa group stage, 19-17, at sinundan ito ng tagumpay ng Pasig sa Liman, 19-16, upang parehong makapasok sa knockout quarterfinals. Doon tinalo ng Liman ang Balanga, 9-21, at bumagsak ang Pasig sa Riga, 15-21.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page