top of page

Manila Bay “White Sand”, sinisi sa pagkamatay ng mga isda sa Baseco

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 17, 2020
  • 2 min read

ni Twincle Esquierdo | September 18, 2020



Itinanggi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may kinalaman ang Manila Bay “white sand” project sa pagkamatay ng mga isda sa Baseco compound kamakailan.


Ayon sa mga residente ng Baseco, ang dolomite na ginamit sa Manila Bay “white sand” project ng DENR ay nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.


Ngunit sa isang panayam, itinanggi ito ni DENR Undersecretary Benny Antiporda, at sinabing imposible na ang dolomite ang dahilan kung bakit namatay ang mga isda.


Aniya, “Erroneous po yung allegation nila kaagad na galing sa nourishment area iyang nangyaring fish kill na ‘yan."


Ipinaliwanag ni Antiporda na may layong 5 kilometro ang Baseco compound sa nourishment area at bagama't ang direksiyon ng hangin ay patungong Baseco hanggang Manila Baywalk, may dalawang breakwaters sa pagitan nito.


Ayon pa kay Antiporda, kung ang dolomite umano ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda ay dapat natagpuan ang mga ito sa iba’t ibang lugar tulad ng baywalk at hindi sa Baseco compound.


Gayunman, ayon kay Antiporda, isinasaalang-alang ng DENR ang mga maaaring maging sanhi ng kanilang proyekto tulad ng pagbaba ng oxygen level. Gayundin, sinisilip na dahilan ng pagkamatay ng mga isda ang epekto ng pagkakaroon ng cyanide dahil sa ilegal na pangingisda.


Sa pagsisiyasat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), natuklasan nila ang iba’t ibang klaseng patay na isda tulad ng biya, kanduli, asohos at tilapia nitong Martes, Setyembre 15, at ang pagbaba ng oxygen level sa Baseco na 0.11 milligram/liter mula sa pamantayan nitong 5mg/L na parehong nangyari noong nakaraang taon, Oktubre 10, sa Las Pinas-Paranaque Critical Habitat and Eco-Tourism Area na bumaba ang oxygen level sa 0.02 mg/L mula sa 6 mg/L.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page