Mandatory military service sa lahat ng edad 18, puwedeng pag-aralan kung uubra
@Editorial | January 22, 2022
Kasanayan sa pagliligtas ng buhay, pagmamahal sa bansa at disiplina.
Ilan lamang ito sa umano’y layunin ng mandatory military service sa lahat ng Pinoy, lalaki at babae, ‘pag tumuntong na sa edad 18.
Sa pamamagitan nito, mas epektibo umanong makatutugon ang bansa sa mga “natural emergencies” na bahagi na ng buhay sa Pilipinas.
Nagpahayag na rin ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa inisyatibang ito.
Maaari umanong hindi sapat ang National Service Training Program (NSTP) at Reserve Officer Training Course (ROTC) para makumpleto ang kasanayan na ibinibigay ng aktuwal na serbisyong-militar.
Kapag may malakas na Reserve Force ang militar na maaaring imobilisa sa panahon ng emergency, mas makakatutok ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa panlabas na depensa. Habang makakatutok din ang PNP sa panloob na seguridad, pagpapatupad ng batas at pampublikong seguridad.
Bukod sa pagkakaroon ng sapat na pondo para mandatory military service, dapat munang ipaunawa nang maigi sa lahat ang kabuuan nito.
Hindi maiiwasang may mga hindi pumabor dahil sa pangamba. Maaaring ang iniisip ng iba ay baka mapahamak sa magiging training o basta na lang ibabala sa giyera.
Kailangang mailatag nang maigi ang layunin ng mandatory military service. Gayundin, ang magiging kabuuan ng proseso ng pagpasok dito.
Sakaling hindi ito umubra, tiyak na may iba pang paraan kung paano magiging mas handa at kapaki-pakinabang ang bawat isa bilang mamamayan.
Marapat lang na lahat tayo ay magkaroon ng kakayahan para maglingkod sa ating bayan.



Comments