top of page

Mandatory at regular na drug testing sa gobyerno

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 days ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | August 17, 2025



Editorial


Sa gitna ng isyu na may kaugnayan sa ilegal na droga, panawagan ngayon ang pagpapatupad ng mandatory at regular na drug testing partikular sa lahat ng kawani at opisyal ng pamahalaan. 


Simple lang umano ang dahilan: Paano magtitiwala sa mga tagapagpatupad ng batas kung sila mismo ay gumagamit ng ilegal na droga?


Ang mga lingkod-bayan ay may tungkuling magsilbi nang tapat at may integridad. Kung ang mga ordinaryong empleyado sa pribadong sektor ay kailangang sumailalim sa drug test, mas nararapat ito sa mga nasa gobyerno. Hindi sapat ang iisang drug test sa simula ng trabaho. Kailangan itong gawing regular upang matiyak na nananatiling malinis ang bawat kawani.


Hindi ito panghihimasok sa personal na buhay. Ito ay bahagi ng pagiging isang responsableng lingkod-bayan. Ang pagtutol dito ay nagtataas naman ng tanong: May itinatago ba?


Kung may mahuli sa drug test, dapat may malinaw na aksyon — rehabilitasyon, suspensyon, o pagtanggal sa serbisyo, depende sa kaso. Pero dapat din tiyaking patas ang proseso. Walang dapat gamitin ang drug testing sa paninira sa pulitika o personal na interes.


Ang gobyerno ang dapat maging ehemplo sa laban kontra-droga. Kaya kung seryoso tayo sa pagbabagong gusto nating makita, magsimula tayo sa mga nasa loob ng sistema.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page