Manaig sana ang kabutihan at matalinong pagpapasya
- BULGAR
- May 8, 2022
- 1 min read
@Editorial | May 8, 2022
Bago ang makulay at maingay na halalan bukas… Happy Mother’s Day muna sa ating mga ilaw ng tahanan – ang ating mga nanay na hindi napapagod mag-alaga, umunawa at magmahal. Maraming salamat sa paggabay, pagtataguyod at hindi pag-iwan.
At bukas, araw ng eleksyon, muling magpapasya ang taumbayan kung kanino ibibigay ang sagradong boto.
Muling maniniwala at magtitiwala ang bawat botante sa mga kandidato na magiging katuwang sa mga susunod na taon.
Ang mga hinaing na hindi naririnig ay sila ang magsisilbing boses. Ang mga mahihina at naaapi, sila ang titindig at magtatanggol. Ang bayan na pinabagsak ng pandemya, kalamidad at ‘di natatapos na krisis, sila ang magiging katuwang sa pagbangon.
Kaya huwag tayong magpadalos-dalos sa pagboto. Isiping mabuti ang mga pipiliin.
Pakinggan ang ating konsensiya. Bagama’t mabilis namang natatapos ang anim na taon, ito ay sapat na para makabangon mula sa matinding hirap at makaranas naman ng kaginhawaan.
Maraming tukso, pananakot at kalituhan sa paligid lalo na ngayong bisperas ng halalan pero manaig sana ang kabutihan at matalinong pagpapasya.


Comments