ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 2, 2024
Dear Maestro,
Ano ba talaga ang zodiac sign na mayroon ako? Nalilito na kasi ako kung isa ba akong Virgo o Libra.
Maestro, ano ba ang dapat kong gawin para magtagumpay at lumigaya ako? Ang birthday ko ay September 23, 1998.
Umaasa,
Lerma ng Dalahican, Lucena, Quezon Province
Dear Lerma,
Cusps, ang saktong tawag sa terminong pang-Astrology, sa sandaling ang petsa ng kapanganakan ng isang indibidwal ay nasa pagitan ng dalawang zodiac sign.
Sa kaso mo, alanganin ang puwesto ng mga bituin sa langit nang ika’y isinilang. Kung saan, hindi nasipat nang mabuti kung ganap na ba siyang pumasok sa signos ng Libra o kasalukuyan pa lang siyang umaalis sa signos ng Virgo.
Kaya sa mga taong ipinanganak sa pagitan ng dalawang zodiac sign, safe sabihing may double personality sila. Puwede ring sabihin na may pagkasumpungin sila, kasi nga nalilito sila kung ano ba talagang bituin ang umiimpluwensiya sa kanilang pagkatao at kapalaran.
Dahil may dalawang personality ang mga katulad mong isinilang sa cusps o nasa pagitan ng dalawang zodiac sign, sinasabing may magulo silang kapalaran na magdudulot ng manaka-nakang kabiguan sa unang bahagi ng kanilang buhay o karanasan.
Halimbawa, si Regine Velasquez na kilalang mang-aawit noong dekada 80 at dekada 90, na isinilang noong April 22, alanganing Aries at Taurus ang kanyang zodiac sign. Kaya kung babalikan, noong siya ay maliit na bata, mahirap lang ang kanyang buhay bago niya nakamit ang padestal ng pagsikat at pagyaman na tinatamasa niya sa kasalukuyan.
Gayundin ‘yung isang negosyante sa amin dito sa Bulacan na isinilang naman noong October 23. Kung saan, lumaki siya sa liblib na bukid, pumapasok siya sa eskuwelahan para mag-aral kahit panahon pa ng tag-ulan, bukod sa malayo ang kanyang nilalakad, lulusong siya sa putik na bukid bago tuluyang makapasok sa kanilang paaralan. Lahat nang ‘yun ay kanyang tinitiis. Pero ngayon, kumustahin mo kung ano na siya ngayon, dahil sa pagnenegosyo ng grocery sa palengke, ubod na ng yaman ang mayroon sila sa kasalukuyan!
Sa ibang nilalang, dahil nga taglay nila ang inner personality conflict na kadalasan nilang nararanasan, hindi agad nagiging madali ang tagumpay sa kanilang buhay. Sa halip, dumadaan talaga sila sa magulo at mahirap na karanasan, bago yumaman at lubusang lumigaya at magtagumpay. Katulad din ng isa ko pang kaibigan na isinilang naman sa petsang March 22 na magpahanggang ngayon ay sinusubok pa rin siya ng kapalaran. Para ma-distinguished mo kung ano ba ang mas nanaig sa iyo, ang zodiac sign na Virgo o Libra, madali lang iyon!
Una, usisain mo ang mga matatalik mong kaibigan. Kung mas marami kang friends na Virgo, Capricorn o Taurus, ibig sabihin mas nanaig sa iyo ang pagka-Virgo, pero kung mas marami ka namang matalik na kaibigan na under sa zodiac sign na Libra, Gemini o Aquarius, ibig sabihin mas nananaig sa iyo ang pagiging Libra.
Pangalawa, kung marami kang damit na kulay red kaysa sa kulay white, ibig sabihin mas nananaig sa iyo ang pagiging isang Libra, pero kung mas marami ang kulay na white at gray, ibig sabihin mas matimbang sa iyo ang Virgo.
Kung romantic, showy at malambing ka, mas nananaig sa iyo ang pagiging Libra. Subalit, kung simple ka lang na umiibig, at nagtatali-talinuhan, mas nanaig sa iyo ang pagiging Virgo.
Gayunman anuman ang mangyari, kapag ika’y nakadaan sa masalimuot na pagsubok, malalampasan mo rin ang lahat ng ito, tuluy-tuloy kang liligaya at ganap na magtatagumpay na nakatakdang mangyari sa taong 2030, sa edad mong 32 pataas.
Comentários