Malinaw na aksyon vs. online gambling, dapat tuluy-tuloy
- BULGAR
- 2h
- 2 min read
by Info @Editorial | August 16, 2025

Ang kautusan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na i-unlink ang e-wallets mula sa online gambling platforms ay isang hakbang sa tamang direksyon.
Sa wakas, may malinaw nang aksyon laban sa isang bisyong tahimik ngunit matindi ang epekto sa pamilyang Pilipino.
Sa rami ng kuwento ng mga nasira ang buhay at naubos ang kabuhayan dahil sa sugal sa internet, matagal nang hiling ng Simbahan, civic groups, at concerned citizens ang mas mahigpit na regulasyon.
Ngunit dapat nating aminin na hindi sapat ang unang hakbang. Ang pagbigay ng 48 oras para alisin ang mga link sa e-wallet apps ay maaaring makatulong, ngunit hindi nito agad mapuputol ang mismong transaksyon. Kahit walang in-app links, kung may paraan pa rin para magbayad direkta sa mga gambling sites gamit ang e-wallets, mananatiling bukas ang pinto para sa adiksyon.
Nauunawaan ang posisyon ng ilan na ang total ban ay maaaring magtulak sa underground gambling. Pero kung patuloy na pahihintulutan ang online gambling sa maluwag na regulasyon, mas maraming Pilipino ang mababaon sa utang at depresyon.
Ang usapin ay hindi lamang ekonomiya, kundi moralidad at kaligtasan ng mamamayan.
Mahalagang maging malinaw at buo ang plano ng pamahalaan. Kung papayagan man ito, dapat may mahigpit na identity verification, spending limits, at monitoring para maiwasan ang pagsasamantala.
Kung ipagbabawal naman, dapat mas matindi ang enforcement laban sa mga ilegal na operator. Hindi maaaring manatili sa gitna dahil habang nag-aalangan ang gobyerno, patuloy ang operasyon ng mga sugal na sumisira sa mga pamilya.
Ang laban sa online gambling ay hindi matatapos sa pag-unlink ng e-wallets. Ito ay dapat magsimula pa lang ng serye ng mga reporma sa batas, pagpapatupad, hanggang sa edukasyon ng publiko.