Malinaw ayon sa palad… MAUNLAD NA PAG-A-ABROAD, NAKATAKDA SA PROBINSIYANANG HIRAP SA BUHAY
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 21, 2022

KATANUNGAN
May aplikasyon ako sa abroad ngayon at hindi ko sigurado kung matutuloy ako bilang DH sa Middle East. Ito kasi ang unang subok ko na mag-abroad dahil mahirap lang kami sa aming probinsiya, at halos kamote at mais lang ang aming kinakain doon, kaya napilitan akong mag-apply sa abroad. At kahit alam kong mahirap ang pinasok ko, ito lang ang alam kong paraan upang makaahon kami sa kahirapan.
Dahil noon pa ako nag-a-apply sa abroad, sana ay noon pang mga nakaraang taon ako nakaalis, pero hindi natuloy dahil sa pandemya.
Naisipan kong sumangguni sa inyo para ipabasa ang aking mga palad at malaman kung matutuloy ba ako? Kung matutuloy, magiging maganda at maalwan ba ang magiging karanasan ko sa ibang bansa?
KASAGUTAN
Nakatutuwang makitang kapansin-pansin na maaliwalas, walang bilog, guhit ng hadlang at hindi rin naman nagkalatid-latid ang malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ituloy mo ang pag-a-apply sa abroad, sapagkat sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, positibo ang magaganap – isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang iyong mararanasan.
Ang pag-aanalisang makapag-a-abroad ka ay madali namang kinumpirma ng aliwalas, bilugan at balanse mong mukha sa picture na nasa iyong e-mail. Ibig sabihin, postibo ang iyong pananaw sa buhay ngayon, kaya nakikita rin sa iyong hitsura ang positibo, maaliwalas at isang napakagandang kapalarang naghihintay sa iyo sa hinaharap.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Yasmin, tama ang binabalak mong mag-abroad at ituloy mo lang ‘yan. Dahil ayon sa iyong mga datos, habang tuloy-tuloy nang natatapos ang pandemyang COVID-19, tiyak ang magaganap sa ngayong 2022, sa buwan ng Setyembre hanggang Oktubre, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.




Comments