Malinaw ayon sa birth date… Bf na ‘di ka-compatible, mapapangasawa pa rin
- BULGAR
- Jun 11, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 11, 2022
Dear Maestro,
May nais akong malaman tungkol sa compatibility. Kung hindi compatible ang mag-dyowa, halimbawa sa zodiac sign o Astrology, magtatagal at magiging maligaya rin ba ang kanilang relasyon?
Ako ay isang Libra na isinilang noong September 26, 1997, habang ang boyfriend ko naman ay Capricorn na isinilang noong January 16, 1995. Balak na naming magpakasal next year dahil tatlong taon na rin ang aming relasyon. Kaya lang, kinakabahan ako dahil baka hindi rin magtagal ang relasyon namin dahil sa pagkakaalam ko ay hindi compatible ang Capricorn at Libra.
Ano ang dapat naming gawin para magtagal ang relasyon namin at magkaroon ng maligaya at panghabambuhay na pamilya?
Umaasa,
Majorie ng San Luis, Rosales, Pangasinan
Dear Majorie,
Ang teorya sa compatibility ay gabay lamang para sa isang maligaya, maunlad at panghabambuhay na relasyon. Pero sa totoo lang, may mas mahalaga pang sangkap para makamit ang successful na pagsasama at ito ay ang paborito n’yong lahat na marinig – ang pag-ibig. Bukod sa pag-ibig at compatibility, may isa pang sangkap ng maligaya, maunlad at panghabambuhay na pagsasama at ito ang pinakamahalagang bagay sa lahat – pera.
Compatible at nag-iibigan nga kayo, pero palagi namang walang laman ang rice dispenser sa inyong kusina at halos wala na ring madede si baby dahil walang pambili ng bigas at gatas. Kung palaging ganu’n, sa bandang huli ay maghihiwalay din kayo at ang ganyang uri ng paghihiwalay ay isa lang ang dahilan at ‘yan ay ang kawalan ng pera.
Gayundin, kailangang masagot ang tanong na, “Pareho ba kayo ng level o status ng pagkatao?”
Nagmamahalan nga kayo, maraming pera at compatible nga kayo sa isa’t isa, pero kung mababa ang natapos ng asawa mo, habang ikaw naman ay college graduate, malamang na sa bandang huli, dahil magkaiba kayo ng takbo ng isipan, maghihiwalay din kayo.
At ang panghuli na palaging ipinapayo ng mga marriage counselor, na isa ring mahalagang sangkap ng maligaya at panghabambuhay na pagsasama ay ang “maturity”, hindi sa edad o sa pisikal na katawan kundi maturity kung paano mo inuunawa ang iyong asawa o kapareha. Mahirap tagalugin ang salitang “maturity” na tumutumbok sa eksaktong kahulugan nito, kaya sabihin na lang nating, maunawain at mapagpasensya ka bang asawa? Kung oo, ibig sabihin, mataas ang level ng iyong maturidad.
Kapag kumpleto na ang sangkap sa maligaya, maunlad at panghabambuhay na pag-aasawa, una, nag-iibigan talaga sila, pangalawa, may matatag na source of income ang pamilya, pangatlo, halos pareho sila ng level o status ng buhay, pang-apat ay matured ang personality nila, matitiyak ang matagumpay na pag-aasawa.
Sa kaso mo Ms. Libra, tunay ngang hindi kayo compatible ng boyfriend mo sa Astrology o zodiac sign, ngunit compatible naman kayo sa Numerology. Sapagkat ang birth date mong 26 o 8 (ang 26 ay 2+6=8) ay strong number, habang ang birth date na 16 o 7 (ang 16 1y 1+6=7) ng boyfriend mo ay weak number. Ang strong at weak number ay ideal pa ring magsama dahil tinatayang makakabuo sila ng maunlad at maligayang pag-aasawa habambuhay.
Kaya kung tunay kayong nag-iibigan, magkapareho kayo ng level o katayuang panlipunan, kung pareho kayong may trabaho, kung matured naman kayo at mahaba ang pasensya at mahusay umunawa sa isa’t isa, puwede nang ituloy ang inyong kasal sa susunod na taong 2023.
Sa ganyang paraan, kahit hindi kayo perpektong compatible sa Astrology, matitiyak pa rin ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments