Maliliit na negosyo, hataw na sa ‘new normal’
@Editorial | March 4, 2022
Good news na unti-unti nang nakababawi ang ilang maliliit na negosyo ngayong nagluwag na sa Alert Level 1 sa Metro Manila.
Pinayagan na ring makabalik ang lahat ng empleyado sa mga opisina bagama’t puwede pa rin naman ang work-from-home arrangement.
Nakakatuwa na talagang hataw ang mga negosyante, maliit o malaki, ngayong ‘new normal’.
Kahit pa batid nilang hindi pa tuluyang okay ang sitwasyon.
Marami na ang muling nagbukas at nadagdagan pa ng mga sumusugal sa pagnenegosyo.
Sadyang taglay nating mga Pinoy ang lakas ng loob at umaapaw na positibong pananaw sa buhay.
Mas gusto nating sumusugal sa hindi natin alam kung magtatagumpay basta kumikilos tayo kaysa tumunganga. Kalakip naman nito ay ang grabeng pagpupursige, tiyaga, talino at diskarte.
Kaya napakalaking bagay na tinatangkilik natin ang negosyo ng ating masisipag na kababayan.
Kung may mga kakilala tayo na nagnenegosyo, suportahan natin sila.
Ito rin ang panawagan sa kinauukulan. Mas maging malawak sana ang mga programa para sa maliliit na negosyo. Magbukas pa sana ng mas maraming oportunidad para mapagbuti at mapalago ang kanilang mga kabuhayan.
At sa mga nagbabalak ding magnegosyo, walang ibang panahon para magsimula kundi ngayon, ngayon na.



Comments