Maligayang ika-124 Araw ng Kalayaan, Pilipinas!
@Editorial | June 12, 2022
Ngayong araw, Hunyo 12, ating ipinagdiriwang ang ika-124 Araw ng Kalayaan.
Ang tema ngayong taon ay “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas.”
Tayo ay patuloy na sinusubok ng pandemya dulot ng COVID-19, kasabay nito ay ang iba pang problema na ang dulo ay kahirapan.
Araw-araw tayong sumusuong sa iba't ibang hamon ng buhay. Bagama't marami pa rin ang hindi pa nakakabalik sa trabaho, may iba namang nakipagsapalaran na sa bagong kabuhayan. At habang dibdiban ang pagtatrabaho, sumasabay naman ang hindi maawat na taas-presyo. Non-stop ang oil price hike, sinusundan ng dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin pati singil sa mga serbisyo.
Minsan, mapapatanong ka na lang, kaya pa ba? Walang ibang sagot kundi kayang-kaya! 'Ika nga, habang may buhay, may pag-asa.
Kung pakiramdam natin ay walang kumakatok na oportunidad, tayo na ang gumawa ng pagkakataon. Gamitin ang kakayahan, talino at diskarte na meron tayo. Kung kaya nilang kumita habang nasa bahay o kaya nilang makapaghanapbuhay sa kabila ng kakulangan, kaya rin natin.
Wala tayong ibang magagawa at dapat gawin kundi ang magpatuloy. Tuloy lang hanggang sa makamit natin ang kalayaan. Kalayaan sa banta ng karamdaman, kalayaan sa kahirapan at higit sa lahat, kalayaan sa takot.
Alalahanin natin ang mga panahon na wala tayong magawa kundi ang manatili sa loob ng bahay, umasa sa anumang tulong at maghintay kung keailan ulit 'makakalaya'. Kung nalampasan natin ang mga panahon na 'yun, kayang-kaya rin natin ang mga pagsubok ngayon, lalo na't tayo'y malaya na sa labas, balik-trabaho na at may gobyerno pa rin na nagsisikap para makatugon sa pangangailangan ng sambayanan.
Tulad ng lagi nating naririnig, kapit lang. Tayo'y 124 taon nang malaya, nasa atin ang mga pagkakataon na makapag-isip at magawa ang mga paraan para malagpasan ang mga hamon sa buhay at mapagtagumpayan ang ating mga pangarap para sa sarili lalo na sa ating pamilya.
Tandaan natin, bawat bukas ay bagong simula at pag-asa.



Comments