Mala-basahang damit sa ukay-ukay, pahiwatig na yayaman
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 11, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Divina ng Pangasinan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na sobrang lungkot ko dahil sa hirap ng buhay ngayon, hindi man lang ako makabili ng bagong damit para sa reunion namin ng mga kaklase ko noong high school. Buti na lang, may ukay-ukay dito sa amin, kaya naghanap ako ng puwede kong isuot sa reunion sa bunton ng mga damit na naru’n, pero wala akong nagustuhan dahil mukhang basahan ang mga ito, kaya hindi ako bumili. Sa halip, nanghiram na lang ako ng damit sa pinsan ko para maka-attend sa reunion. Pero nagtaka ako dahil sa halip na maging masaya ang mga kaklase ko dahil nagkita-kita kami pero malungkot silang lahat.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Divina
Sa iyo, Divina,
Kabaligtaran ang ibig sabihin ng panaginip mo na sobrang malungkot ka. Ito ay nagpapahiwatig na magiging masaya ka na sa susunod na mga araw. Ang sabi mo ay nagtataka ka dahil sa halip na masaya ay malungkot din ang mga kaklase mo nang magkita-kita kayo sa reunion, ito naman ay nagpapahiwatig na labis kang matutuwa dahil sa magandang kapalarang sinapit ng mga dati mong kaklase. Karamihan sa kanila ay sinuwerte sa buhay at ngayon ay pawang mayayaman at tinitingala sa lipunan.
Samantala, ‘yun namang wala kang nagustuhang damit sa ukay-ukay dahil mukhang basahan ang mga ito, ay maganda ang ibig sabihin. Buhat sa pagiging mahirap, uunlad at yayaman ka na. Kikilalanin at hahangaan ka sa lipunan dahil ipinakita mo sa inyong lugar na hindi hadlang ang kahirapan para maabot mo ang tagumpay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments