top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Makapag-aasawa ulit pero ‘di magtatagal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 24, 2020
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| December 24, 2020




KATANUNGAN


  1. Magsi-siyam na taon na ang nakaraan nang mabundol ng kotse ang mister ko habang nagmomotorsiklo. At dahil inareglo ang kaso, nakakuha naman ako ng pera at kahit papaano, ‘yun ang ginamit kong puhunan sa itinayo kong negosyong tindahan sa palengke at naging maayos naman ang buhay namin ng mga anak ko. Sa ngayon, ‘yung panganay ko ay gradweyt na ng college at may trabaho na at ‘yung bunso ko naman ay malapit na ring makatapos ng college.

  2. Pero ang ilalapit ko sa inyo ngayon ay tungkol sa love life dahil may nanliligaw sa akin na isang binata. Gusto ko siya, pero natatakot ako na baka kung kailan nagkaka-edad na ako at may kaunti nang naipundar ay malasin pa sa ikalawang pag-aasawa, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo.

  3. Ano sa palagay n’yo, puwede na ba akong mag-asawang muli at sa ikalawang pag-aasawang ito kung halimbawang ‘yun ang idesisyon ko, susuwertehin na ba ako?

KASAGUTAN


  1. Ayon sa ikalawang nabiyak na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, makapag-aasawa ka, bakit hindi? Ngunit mga isa hanggang dalawang taon lang, magiging maligaya ang inyong pagsasama, pagdating ng tatlo hanggang apat na taon, bagama’t hindi ka na mababalo tulad ng dati, ang maaaring mangyari naman ngayon ay posible nang hindi rin maging successful, bagkus ay magkakahiwalay din kayo ng lalaking mapapangasawa mo.

  2. Ang pag-aanalisang mas mabuti pang ‘wag ka na muling mag-asawa dahil wala ka namang talagang suwerte sa pag-ibig at pakikipagrelasyon sa opposite sex ay madali namang kinumpirma ng magulo at may malaking bilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.), na parang nabiyak na hindi mo maintindihan sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tanda na kung maligaya ka na ngayon sa piling ng iyong mga anak at nalilibang ka naman sa iyong negosyo, tulad ng nasabi na, ituring mo ang iyong sarili at italaga mo na ang iyong buhay sa paglilingkod at pag-aaruga sa iyong mga anak at magiging apo, at ang pagsisikapan mo pang lalo ay ang mapaunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa yumaman ka pa nang yumaman— ay ang siyang ipinapagawa sa iyo ng kapalaran (H-H arrow d.). Sa nasabing mga aktibidades, pag-aaruga sa iyong mga anak at magiging apo at ang pagtutuon ng isip at enerhiya sa negosyo, tiyak ang magaganap, mas makasusumpong ka pa ng wagas na ligaya at kapanatagan ng isipan, kaysa sa muling mag-asawa at pagkatapos, kapag nahiwalay na kayo ng lalaking pakakasalan mo ay magsisisi ka lang at sasabihin mo, “Bakit ba nag-asaasawa pa ako, ano ba ‘tong buhay na napasukan ko?”

  4. Pero siyempre, dahil babae ka rin naman, may puso at nagmamahal, puwede ka pa ring ma-in love, pero hanggang romantic feeling o relasyong pasaglit-salit lang, pero hindi dapat seryosohin o gawing asawa dahil tulad ng nasabi na, kapag napangasawa mo na ang isang lalaki at inasahan mo na magtatagal at panghabambuhay na ang nasabing relasyon, siguradong bigla at agad din siyang mawawala, kaya wala ring kaligayahan sa buhay na mapapala, kahit muli kang mag-asawa o makisama sa iisang bubong sa isang lalaking kasakuluyan mong napupusuan.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang ayon sa iyong mga datos, Mercy, kung nabalo o namatay ang una mong asawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), tiyak ang magaganap, sa ikalawang pag-aasawa, muli kang luluha at mag-iisa, hindi dahil sa pagkamatay o pagkawala kundi dahil sa hindi n’yo pagkakasundo, na sa dakong huli ay hahantong din sa paghihiwalay (2-M arrow b.).

  2. Kaya tulad ng nasabi, okey lang na umibig at magmahal, pero ‘wag mong ituring na pang-asawa kung saan ang anumang relasyong darating, sa halip, tulad ng magandang paru-paro na dumapo sa isang bulaklak, magiging maligaya ka rin sa pasundot-sundot lang at hindi pangmatangalang pakikipag-ugnayan, sa isang taong minsan mo ring minahal.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page