top of page
Search
  • BULGAR

Mahigpit na pagbebenta ng alak at sigarilyo online, now na!

ni Ryan Sison - @Boses | July 8, 2020



Iminungkahi ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez na pagbawalan ang pagbebenta ng sigarilyo at alak online para matiyak na walang menor-de-edad na bibili nito.


Suportado naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hakbang na ito at ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, dapat pagbawalan ang online sellers na magbenta ng alak at sigarilyo kapag wala silang profile ng kanilang buyers para matiyak na hindi menor-de-edad ang mga ito.


Gayundin, kailangan umanong rehistrado ang online seller, compliant sa standard at original products, para payagan silang magbenta ng nakalalasing na inumin at sigarilyo online.


Nakikipagtulungan na rin ang DTI sa DOF sa pagbuo ng sistema para sa online selling platform na matiyak na nakarehistro ito sa DTI at Bureau of International Revenue (BIR).


Ngayong karamihan sa kabataan ang babad sa internet at bored sa bahay, dapat lang na higpitan ang pagbebenta ng ganitong mga uri ng produkto.


Maraming paraan para mameke ng profile sa internet kaya dapat tiyaking hindi peke ang impormasyong ibinibigay ng bawat kostumer.


Dahil kakailanganin ang profile ang mga kostumer, tiyak na papasok din ang isyu ng seguridad ng impormasyon.


Marami pang dapat busisiin at pag-aralan, pero dapat lang na ito ay tutukan.


Kung maipatutupad naman, parusahan ang seller na lalabag dito. Patunayan na tayo ay seryoso at hindi lang pera ang pakay natin sa pagbebenta dahil kailangan ding alalahanin ang kapakanan ng kanilang kostumer.


At tayo namang mga magulang, tutukan din ang online activities ng ating mga anak.

Gamitin natin ang convenience na naibibigay ng online shopping para sa makatwirang bagay at hindi para pagmulan ng mga kalokohan ng kabataan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page