Magulang, ‘wag hayaang mag-motor ang menor-de-edad na anak
- BULGAR
- Mar 11, 2024
- 1 min read
@Editorial | Marso 11, 2024
Nakakaalarma ang pagdami ng mga kabataang nasasangkot sa aksidente sa motor.
Dahil sa hindi tamang paggamit ng motorsiklo, maraming menor-de-edad tuloy ang napapahamak at nahaharap sa hindi magandang kinabukasan.
Kaugnay nito, may napabalita na namang tatlong kabataan na edad 14 hanggang 16 ang nasawi dahil din sa aksidente sa motor. Napag-alaman pa na walang suot na helmet ang mga ito kaya napabilis ang kanilang buhay.
Kung tutuusin ay hindi na bago ang mga balitang ganito, ngunit tila wala pa ring aksyon ang gobyerno ukol dito.
Halos karamihan ng mga kabataang gumagamit ng motor ay walang disiplina sa kalsada at kulang ang kaalaman pagdating sa batas-trapiko kaya napapahamak.
Batid natin na delikado ang pagmo-motor ngunit maiiwasan naman ang mga aksidente kung mayroon tayong disiplina.
Panawagan sa mga magulang, bantayan ang mga anak na menor-de-edad at ‘wag hayaang gumamit ng motorsiklo.
Para sa kinauukulan, istriktong ipatupad ang lahat ng batas-trapiko lalo na sa mga menor-de-edad. Hulihin at pagmultahin ang magulang ng mga bata dahil sa kapabayaan at nang madala.
Kaya bago humarurot sa kalsada, isipin muna natin ang ating kaligtasan at ang pamilyang naghihintay sa ating tahanan.
Comments