Kaligtasan ng mga estudyante at guro sa panahon ng sakuna, tiyakin
- BULGAR
- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | October 13, 2025

Ginulantang ng magnitude 7.4 na lindol ang Mindanao na tumama sa Davao Oriental noong Oktubre 10.
Ayon sa inisyal na ulat ng Department of Education (DepEd), umabot na sa P2.2 bilyon ang pinsalang iniwan nito sa mahigit 500 paaralan, na nakaapekto sa higit 100,000 estudyante at halos 10,000 guro.
Mahigit isang libong paaralan ang napinsala, at marami sa mga ito ay tuluyang sinuspinde ang face-to-face classes para bigyang-daan ang masusing inspeksyon.
Sa ganitong mga pangyayari, muling nabubuksan ang tanong, handa ba talaga ang ating mga paaralan sa mga kalamidad? Kung sa bawat lindol ay may mga gusaling bumabagsak, mga mag-aaral na nasusugatan, at klase na napipilitang itigil, kailangan nating balikan ang kalidad ng ating mga imprastruktura at ang kahandaan ng ating mga komunidad.
Hindi sapat ang pansamantalang solusyon tulad ng alternative learning modes. Dapat tiyakin ng pamahalaan na matibay, ligtas, at maayos ang mga gusaling pinagtuturuan ng ating kabataan.
Ang disaster preparedness ay hindi dapat isinasantabi, kundi itinuturing na pangunahing bahagi ng sistema ng edukasyon.
Sa bawat trahedyang tulad nito, nawa’y mas pahalagahan natin ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral. Sapagkat ang tunay na sukatan ng pag-unlad ng bayan ay hindi lang ang bilang ng mga paaralang itinayo, kundi kung gaano karaming buhay ang nailigtas at kabataang patuloy na nakapag-aral kahit sa gitna ng sakuna.
Comments