top of page

Magsayo, mala-estilong Pacman ang gagawing ensayo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 28, 2020
  • 3 min read

ni Gerard Arce - @Sports | August 28, 2020



Gagawing mala-Manny “Pacman” Pacquiao ang istilo at galaw ni undefeated featherweight contender Mark “Magnifico” Magsayo sa darating na laban nito kontra kay American Jose “Hard Luck” Haro para sa International Boxing Federation (IBF) International Featherweight Title sa Microsoft Theater sa Los Angeles, California sa Estados Unidos.


Pinopormang maigi nina Hall of Fame boxing coach Freddie Roach at renowned strength and conditioning coach Justin Fortune ang paghubog sa 25-anyos na Tagbilaran, Leyte-native bilang susunod sa yapak ng World Boxing Association (WBA) welterweight champion at Fighting Senator Pacquiao sa pagbibigay ng mga kaalaman at istilong isinalin nila sa pambansang kamao noong ito’y nagsisimulang pa lamang sa makasaysayang Wild Card Gym.


Excited na akong lumaban para maipakita ko lahat ng iinuro sa akin ni Coach Freddie. Maraming tinurong style at strategy ni sir Manny si coach Freddie at coach Justine sa akin na magagamit ko laban kay Haro kapag nagtapat na kami,” wika ng number 4-ranked sa IBF na si Magsayo (25-0 14KOs), Huwebes ng umaga sa lingguhang TOPS: Usapang Sports sa online-virtual session. “Ina-apply sa akin iyong speed at power ni idol Manny, so ina-adopt ko para maging kagaya rin ako tulad sir Manny,” dagdag nito na simulang sumalang sa training ilang araw pagdating nito sa Los Angeles noong unang araw ng Hulyo.


Hindi nasisindak ang undefeated Filipino boxer sa lakas ng kanyang Amerikanong kalaban matapos dalhin sa pagkaka-coma ng 33-anyos mula West Jordan, Utah na si Haro (15-1-1, 8KOs) ang kalaban nitong si Daniel (Twitch) Franco noong Hunyo 10, 2017 na bumagsak sa 8th rounds para sa bakanteng USBA Featherweight title sa WinnaVegas Casino and Resort sa Sloan, Iowa.


Pinaplano na rin ni Magsayo na unahan nitong mapatumba ang kalaban bago pa ito masubukang masaktan siya, ngunit hindi umnao ito magiging madali dahil kailangang pag-aralan muna niya ang bawat galaw nito bago maisagawa ang nais sa laban.

Kung kaya kong patumbahin, papatumbahin ko na, baka maunahan pa ako,” saad ni Magsayo sa kalabang si Haro na naging parte ng USA Junior Olympic team noong 2003. “Pero siyempre kailanga ko mag-ingat, basahin ko muna, mahirap iyong magharabas. Kung sakaling makakuha ako ng opportunity na patumbahin gagawin na natin,” dagdag nito.


Pumirma ng 2-years contract si Magsayo sa MP Promotions ng nag-iisang eight-division World champion Pacman, na ginagabayan naman ni MP president at international matchmaker Sean Gibbons nitong Mayo matapos ang pagsisimula nito sa ALA Boxing promotions. Matagal natengga sa 15-buwan ang undefeated fighter, ngunit hindi naman ito makaka-apekto sa susunod niyang kalaban dahil panigurado namang nasa tamang kondisyon ito bago pa man ito lumipad patungong Estados Unidos.


Tuloy-tuloy naman ang training ko sa Pilipinas bago ako pumunta dito sa Amerika kase may mga gamit naman ako dun na pwede kong gamitin sa training,” pahayag ni Magsayo na ibinunyag pang katulong niyang magsanay ang kanyang asawa sa mga pag-eensayo, maging sa sparring sessions. “Marunong din mag-spar ang asawa ko, pero mga 4-6 rounds lang at alalay lang siyampre,” dagdag nito sa misis niyang dating 2nd dan Taekwondo athlete at dati na ring sumabak sa amateur boxing fights ngunit pinatigil na nito.


Pipilitin ni Magsayo na makuha ang mandatory title fight para sa IBF title na hawak ni undefeated British boxer Josh Warrington (30-0, 7KOs), gayundin ang makalaban si World Boxing Council (WBC) champ Gary Russel Jr. (31-1, 18KOs) ng Amerika. Umaasa itong makakalaban ang mga bigatin ding mga boksingero gay ani Emmanuel Navarrete (31-1, 27KOs) ng Mexico at Jessie Magdaleno (28-1, 18KOs) ng Amerika.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page